TINANGGIHAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panawagan sa gobyerno na suspendihin ang klase sa Metro Manila at kalapit na lugar sa isinasagawang 30th Southeast Asian Games.
Sinabi ni Duterte na masyadong mahaba kung sususpendihin ang klase mula November 30 hanggang sa December 11.
Una nang inirekomenda ng Department of Education, Department of Interior and Local Government at Metropolitan Manila Development Authority na suspendihin ang klase para makaiwas sa pagsisikip ng trapiko.
“Kung ako ang estudyante niyan, palakpak lang ako nang palakpak. Kung gusto niya Olympic na lang araw-araw. I do not agree. That’s too long,” sabi ng Pangulo.
Gayunman, pinag-iisipan pa nito kung susupendihin ang klase sa Dec. 11 sa pagtatapos ng biennial meet.
Una nang nagdeklara ng suspensiyon ang De La Salle University-Manila, Arellano Law School, St. Scholastica’s College at St. Paul College Pasig.
Wala ring pasok sa klase sa Pampanga mula December 4 hanggang 10 dahil host ito sa ilang SEA Games tulad ng archery, rugby sevens, arnis, wrestling at dance sport.
135