SUSPENSYON NG TRANSACTION FEES BITIN – MARCOS

BINATIKOS ni Senador Imee Marcos ang bitin na suspensyon sa mga transaction fee ng mga bangko at financial technology (fintech) companies na hanggang sa katapusan ng Oktubre o ngayong taon lamang.

Giit ni Marcos, dapat palawigin pa ang suspensyon hanggang sa malinaw nang humupa ang pamemerhuwisyo ng COVID-19 pandemic.

Binigyang-diin ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, dapat ay hanggang sa kalahating bahagi ng susunod na taon ang suspensyon sa transaction fees, kung saan mayroon nang bakuna kontra sa COVID-19, para mapalago ang maliliit na online business.

“Todo ang pagsisikap nating maisulong ang 60-day debt moratorium para sa publiko sa tulong ng Bangko Sentral ng Pilipinas, pagkatapos masasayang lang ang ating pinaghirapan dahil sa mga bagong bayarin,” himutok ni Marcos.

“‘Yung mga nawalan ng trabaho ay napwersang maghanap ng alternatibong pagkakakitaan sa online dahil sa pandemya. Suportahan natin at tulungan silang mapalago ang maliliit na online business ngayong panahon ng krisis,” ani Marcos na nagsabing dagdag-pahirap rin ang nasabing bagong transaction fee sa mga mamimili.

Iba’t ibang bangko at mga popular na fintech companies na tulad ng Gcash at Paymaya ang nagbalak na magpatupad ng mga transaction fee ngayong Oktubre pero sinuspinde sa Nobyembre o hanggang sa katapusan lang ng taong ito.

Kabilang dito ang service charges na 15 pesos para sa money transfer, 20 pesos para sa over-the-counter na transaksyon at cash withdrawal sa mga Mastercard, at fintech fee na 1% hanggang 2% sa cash-in at over-the counter transaction ng Php8,000 pataas.

Aniya, halos 75,000 ng online businesess na rehistrado sa bansa ay gumagamit ng serbisyo ng may 200 fintech companies para sa pagpapautang ng pera, singil sa mga bayarin, digital wallet at pagpapadala ng pera. (NOEL ABUEL)

193

Related posts

Leave a Comment