ISANG panalo pa at sweep na ng National University-Nazareth School ang UAAP Season 82 High School Boys’ Basketball Tournament elimination round.
Ito’y makaraang sagpangin ng Bullpups noong Linggo ang University of the Philippines Integrated School (UPIS), 113-76, sa Filoil Flying V Centre, San Juan.
Haharapin ng defending champions National University-Nazareth School ang 12-1 Far Eastern University-Diliman bukas (Miyerkoles) para sa target na kumpletuhin ang sweep.
Ngunit makukuha ng Baby Tamaraws ang top seed kung tatalunin nila ang NU ng 16 o higit pang puntos.
Sina Steve Nash Enriquez at Terrence Fortea ang nanguna sa atake ng NU nang magsumite ng tig-17 points, habang si Gerry Abandiano ay nagdagdag ng 12 points at six assists.
Nag-ambag din ang big men nitong sina Carl Tamayo at Kevin Quiambao ng tig-10 puntos, bukod sa tig-11 at seven boards.
“Kung makakapag-sweep, okay, pero kasi kami kung anong game lang ang lalaruin namin, doon lang kami naka-focus talaga. Hopefully ganon mangyari,” komento ni NU-NS head coach Goldwin Monteverde.
Matapos ang dikitang first period, 27-26, ang Bullpups ay tila nakawala sa pagkakagapos nang hindi nagpaawat sa scoring spree sa sumunod na tatlong quarters, para lamangan ang Junior Maroons, 86-50.
Si Jordi Gomez de Liano ay may 27 points at may malaking ambag si Sean Torculas na 17 markers at 22 rebounds para sa UPIS.
Nakapag-book naman ng semis berth ang Ateneo High School nang dominahin ang De La Salle-Zobel, 79-52.
Samantalang nakuha ng Adamson University ang solo fourth nang ilampaso ang University of the East, 124-68, at ang FEU-D ay nanaig naman laban sa UST, 81-73. (VT ROMANO)
