(CHRISTIAN DALE)
PAREHONG bumaba ang net satisfaction ratings nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Vice President Sara Duterte sa panahon ng ikaapat na quarter ng 2024 sa non-commissioned survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa katunayan, makikita sa survey na nabawasan ng 13 puntos ang satisfaction rating ni Pangulong Marcos mula sa “good” na +32 noong September 2024 ay naging “moderate” na +19.
Sinasabing ang bilang ng mga nasa hustong gulang na Pilipino na nasiyahan sa trabaho ni Pangulong Marcos bilang Pangulo ay bumaba mula sa 58% patungong 51% habang ang ‘gross dissatisfaction’ ay tumaas mula 26% tungong 32%.
Bahagya namang nagbago ang undecided mula sa 15% tungong 16%.
Kung ang pagbabasehan ay lugar, bumaba ang net satisfaction rating ni Pangulong Marcos ng 34 puntos mula +16 ay naging -18 sa Mindanao; 16 puntos naman mula +36 na naging +20 sa Metro Manila; at 13 puntos mula +31 na naging +18 sa Visayas.
Sa kabilang dako, anim na puntos naman ang ibinaba ng net satisfaction rating ni VP Sara, mula sa +27 ng Setyembre ay naging +21 ng Disyembre, na parehong “moderate”.
Malinaw na ang ibig sabihin ay bumaba mula 57% tungong 52% ang nasiyahan sa pagganap ni VP Sara bilang bise presidente habang ang mga hindi nasiyahan ay nadagdagan nang kaunti mula 30% tungong 31%.
Tumaas naman ang undecided mula 13% tungong 16%.
