MAHIGPIT ang pagbabantay ng pulisya sa mga lugar na maaaring pagdausan ng protesta sa Metro Manila sa gitna ng banta ng malawakang pagkilos ng mga tagasuporta ni dating pangulong Rodrigo Duterte na inaresto at binitbit patungong The Hague, Netherlands kasunod ng kanyang pagkakaaresto nitong Martes, Marso 11.
Nauna nang ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) sa lahat ng police forces nito na ilagay sa heightened alert status.
Ayon kay NCRPO PBrig. Gen. Anthony Aberin, nakapokus sila sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon partikular na ang pagtugon sa lahat ng posibleng epekto ng anomang mga kilos protesta sa mga motorista at mananakay na karamihan ay mga manggagawa at mga estudyante.
Agad pinuwestuhan ng mga pulis ang paligid ng EDSA Shrine kung saan hinimok ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque ang mga pro-Duterte na magtipun-tipon at magdaos ng protesta laban sa aniya’y ilegal na pag-aresto sa dating pangulo.
Bukod dito, binabantayan din ang rally sites sa Mendiola at Liwasang Bonifacio sa Maynila, Welcome Rotonda sa boundary ng Quezon City at Manila, at sa People Power Monument sa Quezon City.
Para naman maiwasan ang mga posibleng kaguluhan sa pagitan ng mga awtoridad at raliyista, inatasan ang mga police commander na makipag-dayalogo sa mga organizer ng rally.
