SYNDICATED ESTAFA CASE NILULUTO VS QUIBOLOY?

MISTULANG inihahanda ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isa pang non-bailable case laban kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy kaugnay ng umano’y maling paggamit ng donasyon ng mga miyembro ng kanyang simbahan.

Sa pagdinig ng House committee on justice na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, iminungkahi ni Manila Rep. Joel Chua ang posibilidad na kasuhan si Quiboloy ng syndicated estafa. Ayon kay Chua, ginagamit umano ang nakokolektang donasyon, kabilang ang mula sa mga miyembro sa ibang bansa gaya ng Estados Unidos, para pondohan ang marangyang pamumuhay ni Quiboloy.

Inatasan din niya ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) na pag-aralan ang posibilidad ng pagsasampa ng kaso.

Sa kasalukuyan ay nakakulong si Quiboloy sa Pasig City Jail dahil sa mga kasong child abuse, sexual abuse, at iba pang non-bailable cases, bukod pa sa kahalintulad na asunto na kinakaharap niya sa Estados Unidos. Kinumpirma ng AMLC na pinayagan na sila ng Court of Appeals na busisiin ang mga account ni Quiboloy at kasalukuyang may freeze order laban dito kaugnay ng tatlong kaso sa US, Quezon City at Pasig City.

“All three cases, Your Honor, were favorably granted by the Court of Appeals. We carried out the financial investigation that led us to come up with a case for the filing of a petition for civil forfeiture,” ayon sa kinatawan ng AMLC, na nagsabing maaaring isama ang kasong syndicated estafa sa mga paglabag sa anti-money laundering law.

Ginagamit din ng komite ang mga pagdinig upang talakayin ang panukalang rebisahin ang Presidential Decree 1069 o Philippine Extradition Law of 1977 at ang 1994 Philippines–United States extradition agreement upang malinawan ang proseso ng pagsuko sa mga Pilipinong may kinakaharap na kaso sa Amerika gaya ni Quiboloy.

Samantala, nanawagan si Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña na huwag tawaging “Pastor” si Quiboloy, dahil aniya ay insulto ito sa mga tunay na pastor. Giit niya, seryoso ang mga kasong kinahaharap ni Quiboloy na kinabibilangan ng child abuse, human trafficking at sexual violence, sa Pilipinas man o sa Estados Unidos.

Kinumpirma naman ng Department of Foreign Affairs na wala pa silang natatanggap na extradition request mula sa Estados Unidos, taliwas sa naunang pahayag ni Ambassador Jose Manuel “Babes” Romualdez na naipadala na ito ng Amerika.

(BERNARD TAGUINOD)

45

Related posts

Leave a Comment