KINUMPIRMA ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na nasa United States of America (USA) na si Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.
Sa press conference kahapon, sinabi ni Atty. Princess Abante, spokesman ng Kamara na inalam nito sa Office of the Secretary General ng Kamara kung nasaan ang kontrobersyal na mambabatas.
“He’s out of the country. I understand nasa United States siya for medical treatment with travel authority,” ani Abante subalit wala itong maibigay na kopya ng travel authority at kung kailan ito umalis.
Bago ito, lumabas na 7 beses na nagsumite ng excuse letter si Co sa Kamara na hindi ito makadadalo sa sesyon bukod sa meron itong dalawang absent na nagpaalam habang tatlo ang walang paalam.
Wala ring maibigay na impormasyon si Abante kung kailan babalik si Co na may-ari diumano ng Sunwest Construction company na nasasangkot sa substandard na flood control projects tulad ng kanilang proyekto sa Oriental Mindoro.
Si Co na dating chairman ng House appropriations committee ay nasa gitna ngayon ng kontrobersya dahil sa umano’y insertions sa 2025 Department of Public Works and Highways (DPWH) budget na umaabot ng P188 billion.
Dahil dito, nais nina Navotas Rep. Toby Tiangco, Caloocan City Rep. Edgar Erice at Davao City Rep. Isidro Ungab na humarap si Co sa Infra-Committee na nag-iimbestiga sa flood control projects para ipaliwanag ang nasabing halaga na isingit sa DPWH ngayong taon.
Natuklasan din umano ni Tiangco na si Co ang proponent ng P13.8 billion na insertions sa 2025 national budget bukod sa tig-P2 billion na hiningi umano ng kanyang partylist na Ako Bicol at Barangay Health Worker (BHW) party-list na dating kinatawan ng kanyang pamangkin na si Natasha Co noong 19th Congress.
(BERNARD TAGUINOD)
346 