TAAL VOLCANO MULING NAGBUGA NG ABO

MULING nagpakawala ng abo at usok ang Bulkang Taal matapos maitala ang panibagong minor phreatomagmatic eruption bandang alas-2:34 ng hapon nitong Martes, ilang oras lamang matapos ang naunang pagputok dakong umaga.

Ayon sa PHIVOLCS, tumagal ng apat at kalahating minuto ang pagsabog at binubuo ito ng tatlong magkakasunod na bugso na nagbuga ng maitim na abo at steam plume na umabot sa tinatayang 1,200 metro ang taas bago tinangay ng hangin pa northwest.

Mas mataas ito kumpara sa naitalang 450 metrong ash plume sa minor eruption na naganap bandang alas-7:13 hanggang alas-7:17 ng umaga.

Sa kabila ng sunod-sunod na volcanic activity, nananatiling umiiral ang Alert Level 1 sa Bulkang Taal na nangangahulugang may mababang antas ng volcanic unrest.

Patuloy namang ipinagbabawal ng PHIVOLCS ang pagpasok sa Permanent Danger Zone dahil sa posibilidad ng biglaang steam-driven o phreatic eruptions, pagbuga ng volcanic gas, at iba pang mapanganib na aktibidad.

Patuloy na mahigpit na minomonitor ng PHIVOLCS ang kondisyon ng Bulkang Taal at pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto at sumunod lamang sa mga opisyal na abiso ng mga awtoridad.

(NILOU DEL CARMEN)

72

Related posts

Leave a Comment