TINATAYANG nasa 10,000 miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) ang naglunsad ng biglaang kilos-protesta sa People Power Monument sa kahabaan ng EDSA at sa White Plains Avenue sa Quezon City, gayundin sa Liwasang Bonifacio sa Maynila, kahapon.
Ayon sa Philippine National Police-National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO), nanatiling “generally peaceful” ang pagtitipon sa kabila ng ilang insidente ng komprontasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng apat na katao at pagkakasugat ng dalawang pulis.
Sinabi ni Police Major Hazel Asilo, tagapagsalita ng NCRPO, na kabilang sa mga naaresto ang driver ng isang sasakyan na umano’y nakaipit sa isang babaeng pulis, isang indibidwal na umano’y nanapak ng pulis, at dalawa pang kalahok na sinasabing naging pasaway sa mga nagpapatupad ng batas. Agad namang dinala sa PNP General Hospital ang dalawang sugatang pulis.
Ayon sa mga kalahok, layunin ng pagtitipon na ipanawagan ang transparency at accountability sa mga isinasagawang imbestigasyon ng pamahalaan, partikular kaugnay ng mga alegasyon ng katiwalian. Nagpahayag din sila ng suporta kay Sen. Rodante Marcoleta, na inaasahang sasampahan ng kasong plunder kaugnay ng pagtanggap ng campaign donations.
Sa Liwasang Bonifacio, nagsimula ring magtipon ang daan-daang miyembro ng INC bago pa maghatinggabi. Nagtayo sila ng entablado sa tapat ng Philippine Postal Corporation dahilan upang pansamantalang isara ang bahagi ng Magallanes Drive, habang nanatiling bukas ang daan patungong Intramuros.
Dahil sa malawakang pagtitipon, nakaranas ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa EDSA. Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), umabot hanggang Makati City ang pila ng mga sasakyan sa northbound lane habang umabot naman hanggang Timog Avenue sa Quezon City ang southbound traffic.
Dahil dito, nanawagan si MMDA General Manager Nicolas Torre III sa mga raliyista na isaalang-alang ang kapakanan ng mas nakararami at ang epekto ng kanilang pagkilos sa trapiko at sa operasyon ng mga negosyo. Nagdagdag din ang MMDA ng mga traffic enforcer upang makatulong sa pamamahala ng daloy ng mga sasakyan.
Samantala, inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na pairalin ang “maximum tolerance” at tiyakin ang mapayapa at maayos na pagdaraos ng pagtitipon. Itinaas din ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang full alert status at nagtalaga ng libu-libong pulis at iba pang security personnel sa Metro Manila bilang bahagi ng security preparations.
Ayon kay NCRPO Regional Director PMGen. Anthony Aberin, walang naipakitang rally permit ang mga organizer ng pagtitipon. Gayunman, sinabi niyang hindi na nila ito dinisperse upang maiwasan ang posibleng kaguluhan dahil sa dami ng mga kalahok.
Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon at nananatiling nakaalerto ang mga puwersa ng pulisya upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng publiko.
(JESSE RUIZ)
72 