TAAL VOLCANO VICTIMS, BINIGYAN NG TULONG PANGKABUHAYAN

IPINAMAHAGI ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang pangkabuhayan packages sa ilang residente na lubhang apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Enero sa bayan ng Agoncillo, Batangas.

Sa pahayag, sinabi ni Go na kanyang katuwang sa pamamahagi ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa Program, nabiyayaan ang mga residente ng sari-sari store package.

“Ito po ‘yung sinasabi kong pangkabuhayan para po makapag-umpisa po kayo. Gamitin ninyo po ito sa tama,” ayon kay Go.

Sinabi ni Go na may dugo siyang Batangueno dahil bukod sa doon ipinanganak, taga Batangas ang kanyang lolo at lola na mga Tesoro.

“Mga kababayan kong Batangueño, magandang umaga sa inyong lahat. Marahil nagtataka kayo kung bakit ako Batangueño, ‘di po ako ipinanganak sa Batangas, pero ang aking lolo at lola na mga Tesoro ay nagmula po sa Tanuan, ang iba po sa Sto. Tomas. So, mayroon po akong dugong Batangueño,” sabi ni Go sa isang video call.

“Naalala ko po noong Enero, diyan sa Batangas, lumikas kayo sa inyong mga kabahayan dahil po sa pagputok ng Bulkang Taal. At ngayon, pinakiusapan natin ang DTI na magbigay ng pangkabuhayan. Kaya po sila nandiyan ngayon ay para magbigay sa inyo ng pampatayo ng sari-sari store,” idinagdag ng senador.

Sa ilalim ng estriktong health protocols, namigay rin ang grupo ni Go ng meals, food packs, masks at face shields.

“Mayroon din po akong ipinadala na mga food packs, mask at face shield. Suotin ninyo po ito, pakiusap lang po, dahil delikado po ang panahon ngayon,” giit niya.

Sinabi ni Go na dapat makipagtulungan sa gobyerno at magmalasakit sa isa’t isa.

Sinabi ng mambabatas na kapag available na ang bakuna laban sa coronavirus disease (COVID-19) ay uunahin ng gobyerno ang mahihirap at vulnerable sector.

“Kaunting tiis lang po. ‘Pag mayroon nang vaccine, uunahin namin ang mahihirap at ang mga vulnerable para makabalik na tayo sa dating normal na puwede nating mayakap ang kapwa natin Pilipino,’ aniya.

“Mayroon din po akong ipinadala na mga bisikleta at dadagdagan ko pa ito…para marami pong makagamit. Mayroon din po akong ipinadalang tablets d’yan para magamit po, para sa mga anak ninyo,” ayon kay Go. (ESTONG REYES)

197

Related posts

Leave a Comment