Taas-singil pinalagan ng consumers TUBIG NG PRIME WATER, ‘GINTO’

NAGPAPASAKLOLO sa mga mambabatas ang mga residente sa Cavite na dismayado sa mala-gintong halaga ng tubig na isinusuplay sa kanila ng Prime Water Corporation.

Hiling ng mga consumer, isama sa mga tatalakayin ng Kongreso ang anila’y hindi maipaliwanag na pagtaas ng halos 300 porsiyento ng water bills sa mga subdivision sa nasabing lungsod.

Sa nakalap na impormasyon ng Saksi Ngayon mula sa General Trias City, Province of Cavite Homeowners Association partikular sa hanay ng mga subdivision, ang dating monthly water bill na kanilang binabayaran ay halos hindi umaabot ng P700 subalit nang dumating ang buwan ng July ay kataka-takang umabot ito ng halos P 6,500.

Nais ng mga residente partikular sa Tierra Nevada Subdivision at iba pa na sakop ng Prime Water na ipaliwanag ng management ang grabe at hindi kapani-paniwalang bayarin sa tubig ngunit kahit pudpod na umano ang kanilang mga daliri sa kapipindot sa telepono para tawagan ang tanggapan ng naturang water company na nasa Las Piñas City ay walang sumasagot sa kanila.

Hindi rin makapaniwala ang isang 76-anyos na residente kung bakit nagkaroon ng water bill ang kanyang bahay gayung matagal nang walang nakatira dahil matapos siyang ma-stroke ay lumipat na siya sa bahay ng kanyang anak.

Dahil walang nakukuhang sagot o paliwanag mula sa tanggapan ng Prime Water, pinaplano ng mga subdivision HOA na hindi magbayad at haharangin din umano nila ang mga mamumutol ng linya ng tubig.

Nais nilang obligahin ang mga tauhan ng Prime Water na ipaliwanag ang malaking diperensya ng bill na kanilang natanggap.

Kaugnay nito, ilang mambabatas umano ang nagpahayag ng kahandaang dalhin sa Kongreso ang mga reklamo laban sa Prime Water.

Nakiusap naman ang ilang mambabatas na huwag muna silang pangalanan hangga’t wala pa silang pinanghahawakang dokumento na magtutulak sa kanila upang ipatawag sa Kongreso ang management ng Prime Water at pagpaliwanagin sa reklamo ng mga residente. (CESAR BARQUILLA)

149

Related posts

Leave a Comment