NA-UPSET si Mary Joy Tabal sa women’s marathon.
Pero, ang tumalo sa kanya ay kababayang Pinay sa katauhan ni Christine Hallasgo.
Kaya, ang gintong medalya ng 30th SEA Games ay hawak pa rin ng Pilipinas.
Umarangkada si Hallasgo sa huling bahagi ng 42-kilometer race sa New Clark City Sports Complex sa Tarlac, sa oras na 2:56:56.
Ang tubong Malaybalay, Bukidnon na si Hallasgo ay unang sabak pa lang sa SEA Games.
“Hindi ko inexpect na mananalo ako, nagpakundisyon lang ako para sa karera,” lahad ni Hallasgo.
Si Tabal, na nag-collapse matapos marating ang finish line ay nagsumite ng oras na 2:58:49 para sa silver medal. Ito ay mas mabagal ng 15 minuto sa kanyang personal best na 2:43:31.
Nauuna sa takbuhan si Tabal, 2017 SEA Games gold medal winner, hanggang maabutan siya ni Hallasgo sa 30-km mark.
Si Indonesian runner Prayogo Agus naman ang nanguna sa men’s division (2:26:48), pumangalawa si Namkhet Sanchai (2:27:18) para sa silver at si Mohamad Muhaizar (2:33:08) ng Malaysia ang bronze medalist.
Tumapos na panlima at pang-anim ang pambato ng Pilipinas na sina Jerald Zabala (2:37:20) at Anthony Nerza (2:39:28).
281