MALAKING dagok sa iba pang mga aspirante sa pagka-pangulo ng bansa ang pasya ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na suportahan na lamang ang kandidatura ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Dangan kasi, hindi nangyari ang inaasahang pagsabak ni Sara bilang substitusyon kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa na aminadong napag-utusan lamang ng partidong PDP-Laban na maghain ng kanyang Certificate of Candidacy para presidente noong ika-8 ng Oktubre.
Ang masaklap pa niyan, hayagan ang pagpapamalas ng babaeng alkalde mula sa timog, ng kanyang pag-ayaw sa dating hepe ng pambansang pulisya nang matigas nitong sabihing susuportahan niya si Marcos kaysa kandidato ng kanyang amang Pangulo.
Bukod kay Bato, hagip din sa hindi inaasahang maniobra ni Sara ang iba pang pumupustura – sina Vice President Leni Robredo na naghain ng kanyang COC para pangulo bilang isang independiyente, sina Manila Mayor Isko Moreno na nakinabang sa administrasyon Duterte isang taon matapos mangamote sa senatorial derby noong 2016, at si Senador Ping Lacson na magbabakasakaling makasilat sa ikalawang pagsabak sa presidential election.
Ang siste, kusang-loob na inihain ng anak na babae ng Pangulo ang tulong kay Marcos. Pag-amin pa niya, tinalakay sa dalawa’t kalahating oras na closed-door meeting nila ang mga posibleng paraan ng tulong – hindi lamang mula sa kanya kundi maging sa partidong Hugpong ng Pagbabago na pinamumunuan niya.
Isa lang ang malinaw – hindi kayang diktahan si Sara sa nais niyang kapalit ng kanyang amang lilisan na sa Palasyo.
Sa mapanuring mata ng mga miron sa pulitika, pwedeng sabihing tapos na ang boksing. Dangan naman kasi, nagsanib na ang dalawang bigatin mula sa hilaga at timog na bahagi ng bansa.
Kung tutuusin, mahaba pa ang hihintayin bago lumutang ang matitirang matibay at handa sa kampanya. Mismong si Marcos, aminadong marami pang pwedeng maganap sa mga susunod ng buwan. Pero ang tiyak, ang susunod na pangulo ay dapat ‘yung ihahalal ng tao at hindi dikta ng teknolohiyang maniobrado.
155
