RAPIDO Ni PATRICK TULFO
HINDI matatapos ang isyu tungkol sa ALL WIN, CMG at KABAYAN cargo hangga’t hindi pa natatanggap ang mga padala ng ating mga kababayan mula sa UAE sa kanilang mga pamilya rito sa bansa. Sa ngayon ay nakatengga pa rin sa compound ng Manila International Container Port (MICP) ang mga bagahe.
Pero sa pinakahuling update ng Bureau of Customs (BOC), nagsimula na ang proseso ng bidding para sa mga inabandonang mga cargo containers matapos na ibigay ng ALL WIN ang manifesto sa labing-apat na containers, hinihintay na lang daw ang para sa apat na natitira pang kargamento. Inaayos na rin daw ang mga dokumento ng ilan pang mga naabandonang cargo containers mula sa CMG at KABAYAN at sa huling datos na ibinigay ng Customs sa amin sinabi nito na labingwalong container ang nakapangalan sa ALL WIN, pito ang mula sa CMG at tatlo mula sa KABAYAN.
Speaking of CMG, nakipag-ugnayan sa amin ang nagpakilalang admin officer daw ng naturang cargo consolidator. Noong una ay ayaw magpakilala nito sa aming staff na nakasagot ng kanyang tawag at sinabing “YET” na lang daw ang itawag sa kanya, kinakailangan pa namin itong pilitin upang sabihin ang apelyido nito na “YANDAN” daw, kayo ba naniniwala kayo na ‘yan ang kanyang totoong pangalan?
Ayaw rin nitong magpa-interview sa pamamagitan ng zoom na kung saan ay makikita siya nang live sa aming FB page at YouTube channel. Dahil ayon dito, maaaring may manakit sa kanya ‘pag labas daw niya ng bahay dahil aminado itong marami ang galit sa kanila ngayon dahil sa mga pangyayari.
Sa aming panayam dito sa aming programa sa DZME 1530khz nito lang Lunes, ipinaliwanag nito na hindi lang sila ang may kasalanan sa pagka-antala ng delivery ng mga padalang galing sa UAE at ibinunton din ang sisi sa “FORWARDERS” daw na hindi nagbayad ng mga karampatang “fees” o mga bayarin.
Pero bago namin nakuha ang dahilang ito, sinubukan pa akong paikutin ng tauhan ng CMG na ito upang mailihis ang sisi sa kanila. Umamin lang ito sa dahilang aking nabanggit matapos na masukol ito. “Internal issue” raw ito at hindi basta basta inilalabas sa mga tao.
I find this hard to believe dahil kung ako ang nasa posisyon ng CMG ay hindi ko itataya ang repustasyon ng aking kumpanya sa pagkakamali ng iba.
Sa aming panayam kay Bureau of Customs District Collector Romeo Rosales, dalawang beses na raw ginagawa ng CMG ANG PAG-AABANDONA SA KANILANG MGA KARGAMENTO.
Nawili raw yata ang mga ito dahil noong una nilang ginawa ito ay sinalo sila ng Customs at mga miyembro ng DDCAP (Door-to-Door Consolidator Association of the Phils.) ang nag-deliver ng mga naabandonang mga padala, free of charge.
296 