Taglay ni Torre – VACC NEXT PNP CHIEF DAPAT ‘MAY DIBDIB’

“MAY bayag. May dibdib. May political will.”

Ganito inilarawan ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Founding Chairman Boy Evangelista si Police Major General Nicolas D. Torre III sa isang panayam sa radyo, bilang isa sa mga napipisil na susunod na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Binanggit ni Evangelista ang estilo ng pamumuno ni Torre na hands-on at epektibong mga estratehiya kontra-krimen, lalo na ang kanyang mga programa sa police visibility at ang “five-minute quick response” na pinuri mismo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. “Unang-una ang police visibility, lagi nating panawagan yan. Pangalawa, ang five-minute response time sa QCPD — proven effective,” saad ni Evangelista.

Binalikan din niya ang panahon ni Torre bilang QCPD Director, kung saan naipatupad ang paggamit ng real-time bodycam system na nagbibigay ng live video feed tuwing may operasyon.

“Sabi ko kay Gen. Torre, pwede pa rin ito. Sa panahon niya, may bodycam na real-time nagse-send ng video, kaya kapag may responde, napapanood mo roon mismo,” ani Evangelista.

Bilang isang madalas konsultahin ng media tuwing may transisyon sa PNP leadership, inisa-isa rin ni Evangelista ang mga pamantayan ng VACC para sa susunod na Chief PNP. Kabilang sa mga pangunahing kwalipikasyon: moral ascendancy, malinis na track record, pagiging independyente mula sa pamumulitika, at ang tapang na pairalin ang merit system sa hanay ng kapulisan.

“Hindi puwedeng sunod-sunuran sa mga politiko,” diin niya. “Pag Chief PNP ka na, dapat hindi ka nagpapadikta kahit sinong politiko. May board of selection tayo — composed of command officers at multi-sectoral representatives — yan ang dapat masunod sa pagpili ng mga regional at key police officials.”

Dagdag pa niya, dapat taglay ng susunod na hepe ang integridad, pagmamahal sa bayan, at takot sa Diyos.

Pinaalala rin ni Evangelista na bagama’t mahalaga ang tiwala ng Pangulo bilang appointing authority, dapat ding isaalang-alang ang kakayahan at karakter ng uupong Chief. “Mahirap mamili ng Chief PNP. Pero hindi lang tiwala ng Pangulo ang mahalaga — kailangan ng tunay na lider na may puso, prinsipyo, at malasakit sa bayan.”

Habang hinihintay ng bayan ang pinal na desisyon ni Pangulong Marcos Jr. para sa kapalit ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil, ang matitinding pananalita ni Evangelista ay sumasalamin sa sigaw ng civil society para sa isang lider na may kakayahan at tapang.

(JOEL O. AMONGO)

5

Related posts

Leave a Comment