TAGUMPAY NG TINGOG PARTY-LIST, TAGUMPAY NG MAMAMAYANG PILIPINO

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG malaking tagumpay para sa mga nasa laylayan ng lipunan ang pagkapanalo muli ng Tingog Party-list sa katatapos lamang na 2025 midterm elections.

Aba, isa itong malinaw na patunay na pinakikinggan at pinahahalagahan ng sambayanan ang mga partidong tunay na naglilingkod at kumakatawan sa boses ng mga Pilipino—lalo na ng mga nasa rehiyon, probinsya, at mga komunidad na matagal nang naisantabi.

Sa pangunguna ng kanilang kinatawan na si Cong. Jude Acidre, muling pinatunayan ng Tingog na ang mabisang pamumuno ay hindi kailangang mapuno ng ingay, kundi ng gawa.

Si Cong. Acidre ay isang huwarang lider—mapagkumbaba, masipag, at may tunay na malasakit sa bayan. Sa kanyang pamumuno, hindi lamang mga salita ang kanyang naging sandata, kundi konkretong aksyon at makabuluhang programa.

Isa sa mga pangunahing tagumpay ng Tingog Party-list ay ang malawakang pagpapatupad ng Tingog Medical Assistance Program—isang inisyatibong tumulong sa libu-libong Pilipinong kapus-palad upang maipagamot at mapondohan ang kanilang pangangailangang medikal.

Sa panahon kung kailan mataas ang gastusin sa kalusugan, naging sandigan ng marami ang programang ito.

Hindi rin matatawaran ang kontribusyon ng Tingog sa pagpapalakas ng edukasyon sa mga rehiyon.

Mula sa pagbibigay ng school supplies, scholarship assistance, hanggang sa pagpapatayo ng mga pasilidad pang-edukasyon, pinatunayan nilang hindi hadlang ang distansya ng probinsya sa kalidad na serbisyo.

Bukod dito, masigasig ding itinaguyod ng grupo ang livelihood projects, pagtutok sa women empowerment, disaster response, at suporta sa mga OFW. Ang ganitong mga hakbang ay nagpapakita na ang Tingog ay hindi lamang boses ng mamamayan sa Kongreso, kundi katuwang sa bawat aspeto ng kanilang pamumuhay.

Ang panibagong mandato na ipinagkaloob ng taumbayan sa Tingog Party-list ay hindi lamang simpleng boto. Isa itong tiwala na kailangang pangalagaan, isang pagkilalang sila’y tunay na tumutupad sa pangako.

At kung pagbabatayan ang kanilang mga nagawa, walang alinlangang karapat-dapat sila sa muling panunungkulan.

Nawa’y mas lalo pa nilang mapalawak ang kanilang serbisyo sa bawat Pilipino, saan mang sulok ng bansa. Sa muling pagbibigay nila ng tinig sa mga walang boses, tunay ngang ang kanilang tagumpay ay tagumpay ng sambayanan.

Congrats po, Tingog Party-list Rep. Jude Acidre.

Mabuhay po kayo at God bless!

52

Related posts

Leave a Comment