Tahimik sa mga patutsada ni VP Sara ROMUALDEZ TIKLOP SA ‘SUHOL ISYU’?

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PINUNA ng mga netizen ang kawalan ng sagot ng kampo ni House Speaker Martin Romualdez sa nakaraang banat sa kanya ni Vice President Sara Duterte.

Matatandaang sa press conference noong Biyernes ng umaga, inupakan ni VP Sara si Romualdez na isang kahihiyan aniya para sa Pilipinas.

Bagaman walang masyadong detalye na pinakawalan ang Bise Presidente, tinumbok ng mga netizen ang isyu sa umano’y Okada bribery.

“Si Martin talaga is an embarrassment for the Philippines, in the global stage. Kakahiya.”

“Imagine ninyo mayroon tayong Speaker na on the record, on the paper in another country na tumanggap ng suhol. Kakahiya,” ani Duterte.

Sa kabila nito, walang sagot na inilabas ang tanggapan ni Romualdez at maging ang Malakanyang.

Base sa minsang inilathala ng Japan Times, lumapit umano ang mga opisyal ng Japanese entertainment company na may ‘merger fight” sa Manila casino resort, sa isang Filipino legislator upang tulungan silang muling makuha ang kontrol sa property, ayon sa isang special purpose acquisition company na inasunto ang Universal Entertainment.

Sa social media ay minsan na ring pinag-usapan ng mga netizen ang pagkakadawit ni Speaker Martin Romualdez sa Okada case.

Sa inihaing kaso sa Delaware Chancery Court, sinabi ng SPAC, 26 Capital Acquisition, na ang Universal executives ay nagdala ng “heavy luggage” nang makipagpulong kay Romualdez upang makuha ang suporta nito sa nasabing legal dispute. Sinikap umano nitong muling makuha ang control sa 40-hectare Okada Manila resort and casino, na nagkakahalaga ng $2.6 billion.

Kabilang sa iprinisinta sa inihaing reklamo ang emails na ayon sa 26 Capital ay nagpapakita kung paanong lumipad ang executives mula sa Japan upang makausap si Romualdez para humingi ng tulong para matiyak na makumbinsi nito ang Supreme Court ng Pilipinas na maisulong ang kanilang interes.

Sinabi ng mga abogado ng SPAC na kabilang sa maling ginawa ng Universal ay “potential bribery of government officials followed by efforts to run the deal clock out before such activity comes to light.”

Inilunsad ni Jason Ader, CEO ng SpringOwl Asset Management, ang 26 Capital para maisama ito sa resort at makakuha ng ‘listing’ sa property. Ang nasabing kasunduan ay nasira, kaya naman kinasuhan ng SPAC ang Universal upang maayos ito. Si Ader, isang beteranong industry analyst na nakaupo sa board ng Las Vegas Sands, ay nagbigay ng testimonya nitong buwan na ang Universal ay nagsimulang isabotahe ang transaksyon noong 2022. Idineklara ng Universal na ‘the merger died on June 30.’

Ang alitan ay kinasasangkutan ng $275 million investment ng 26 Capital sa nasabing resort and casino. Ang Universal ay pag-aari ang 88% ng property sa ilalim ng terms ng deal. Ngunit naging kumplikado ang transaksyon dahil sa kaguluhan sa loob ng Japanese company. Ang Universal at units na nagma-manage sa casino ay nagkagulo makaraang ang kanilang founder, na si billionaire Kazuo Okada, ay napatalsik mula sa board noong nakaraang taon.

Nakuha ni Okada ang control sa property makaraang ibalik sa pwesto ng Philippine Supreme Court ang bilyonaryo, bilang chairman ng operator ng casino, ang Tiger Resort Asia, isang Universal unit.

Ito ay nagbunsod sa Universal executives na gumawa ng paraan na muling makuha ang control sa casino, ayon sa alegasyon ng SPAC.

Hindi umano naabisuhan ang mga opisyal ng SPAC hinggil sa “July 2022 top-secret heavy-luggage mission,” pahayag pa ng mga abogado ni Ader.

Ang kaso ay dinidinig sa Delaware kung saan ang 26 Capital ay incorporated.

Kaugnay nito, naglabas ng kanilang opisyal na pahayag ang Universal Entertainment Corp. na pinabubulaanan ang mga kontrobersyang ikinakabit sa kanilang kumpanya na bunga lamang umano ng galit, kasakiman at pagiging desperado.

88

Related posts

Leave a Comment