TAKTIKA NG DEHADO

ILANG kembot na lang, mag-uumpisa nang luminaw ang ating kinabukasan – ang sintang bayan ba’y mananatiling bulag sa ­reyalidad o pipiliing i-wasto ang pagkakamaling anim na taong pinagdusahan natin nang sukdulan?

Bagama’t Disyembre pa ng nakaraang taon nagsimula ang usapang halalan, ngayon pa lang lumalabas ang linaw, posisyunan at batuhan ng putik sa hangad na ibaon ang napipintong kalaban.

Hindi na bago ang siraan sa pulitika. ‘Yan kasi minsan ang tanging paraan ng mga dehado, lalo pa’t suntok sa buwan ang tsansang sila’y manalo.

May nagpapapogi sa mata ng masa na tila ba pahiwatig na sila ang dapat dahil galing sila sa hanay ng maralita. Mayroon ding pabibo lang ang gimik – pangako rito, pangako run, kulang nalang pati buwan ihatag sa plataporma.

Hindi magpapaiwan yaong pormahan at kasikatan lang ang meron, pati ang hangad lang ay magkamal sa mga donasyong nalikom o kita ng sindikatong pinagulong.

At siyempre pa, ‘yung puro bunganga lang, wala namang nagawa.

Huwag padadala sa tamis ng salita, husay ng talumpati, gulat ng bunganga, kinang ng barya at pang-entabladong porma. Lahat ang mga ‘yan, iisa ang hilatsa – magsamantala.

Sila ang mga dehado na ang tanging estilo pukol dito, pukol doon sa mga kalabang sa tingin nila ay hitik sa bunga. Ika nga, may ibubuga.

Gamit ang kani-kanilang makinarya at mga bayarang hukbo ng tagapagpakalat ng maling impormasyon sa social media, sila’y namumuhunan ng laksa-laksa sa hangaring makapwesto, makabawi sa ginasta at gawing gatasang baka ang bayang sinta.

Hindi biro ang umangkat ng mga bulaan sa social media kung saan nakatutok ang masa. Malaking pera ang kailangan para ito’y ­rumatsada. Perang dapat sana’y itinulong na lang nila nang direkta sa mga hikahos at patuloy na nagdurusa.

Wala sa puso nila ang sinseridad na ­maiangat ang masa sa lugmok na pagdurusa.

Sa nalalabing mga buwan bago pa ang mismong halalan, maging mapanuri sa kakayahan. Huwag maniwala sa buladas at paninirang sukdulang sumasalamin sa kung ano sila.

Ang hanapin ay yaong may malinaw na plataporma, huwag ang puro dada.

153

Related posts

Leave a Comment