TALAMAK NA KATIWALIAN SA DPWH NILANTAD NG BAHA

INILANTAD ng matinding pagbaha sa Metro Manila, partikular sa Quezon City nitong Sabado, ang malawak na katiwalian umano sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay House Assistant Minority Leader at ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, lalong nagalit ang publiko sa pagbaha sa Quezon City sa kabila ng P14.24 bilyong inilaan para sa 245 flood control projects sa lungsod. Sa naturang bilang, dalawa lamang ang inaprubahan ng city government.

“Saan napunta ang bilyun-bilyong piso na inilaan para sa flood control projects? Lumubog din ba sa baha tulad ng Elliptical Road, Katipunan at Mother Ignacia?” tanong ni Tinio.

Ipinunto rin ni Manila Mayor Isko Moreno na sa kabila ng kaparehong halaga ng pondong inilaan para sa Maynila, nananatili pa ring lumulubog sa baha ang siyudad.

Substandard at Ghost Projects

Tinuligsa ni Tinio ang umano’y pakikipagsabwatan ng DPWH sa mga kontratistang tiwali upang kumita mula sa overpriced, substandard, o hindi natatapos na proyekto.

“While our people suffer and lose their livelihoods to these predictable floods, corrupt officials and their contractor-cronies have enriched themselves through overpriced, substandard, and often non-existent infrastructure projects,” giit ni Tinio.

Dahil dito, iginiit niyang dapat imbestigahan ng House Committee on Infrastructure ang lahat ng flood control projects sa buong Metro Manila at papanagutin ang mga opisyal at kontratistang sangkot.

‘Sobrang Kawalanghiyaan’

Mariin ding kinondena ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima ang katiwalian, hindi lamang sa flood control projects kundi sa iba pang proyekto ng gobyerno.

“As we dig deeper into these anomalous flood control projects, we are uncovering more cases of corruption,” ani De Lima, sabay pagsisiwalat na mayroong tinatawag na “half-ghost projects” — mga proyektong hindi tinapos ngunit bayad na ng gobyerno.

Maging si DPWH Secretary Manuel Bonoan ay umamin umano na may ganitong uri ng proyekto. Bukod dito, nadiskubre ring may mga nakumpletong proyekto na muling nilagyan ng pondo sa 2026 National Expenditure Program (NEP).
“Ilang beses na kayang nakalusot ang ganitong kalokohan?” tanong ni De Lima.

Nakatakdang simulan ng House Committee on Infrastructure bukas, Martes, ang imbestigasyon sa mga flood control project. Ayon kay Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon, uunahin ang mga proyektong mismong ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Bulacan at Benguet.

Samantala, haharap ngayong araw ang DPWH sa budget hearing ng House Committee on Appropriations para sa P269 bilyong flood control budget para sa 2026.

Dating Kabataan party-list Rep. Sarah Elago naman ang nanawagan na itigil ang “negosyo sa kalamidad” at ilaan ang mas malaking pondo para sa edukasyon, kalusugan, at pabahay.

‘Code’ Para sa Komisyon

Samantala, ibinunyag ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na nagsisilbing “code” ng mga tiwaling opisyal ang magkakaparehong halaga ng flood control projects upang matukoy kung kanino ito nakatalaga.

“Yan ang code nila… Hindi ito round figure. Kapag pare-pareho ang halaga, nagkakaintindihan sila kung kanino yun, kapag kumuha ng komisyon,” paliwanag ni Lacson.

Kasunod ito ng pagbubunyag ni Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian na may nakita silang mga kaparehong halaga ng alokasyon sa 2026 NEP, na itinuturing na “red flag.”

Dagdag pa ni Lacson, may opisyal mula DPWH na umano’y nag-alok ng budget insertion kay dating Senate Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III matapos ang halalan—na agad namang tinanggihan ng senador.

Pagtutuon sa Transparency

Sa nalalapit na budget hearings, tiniyak ni Lacson na kanyang tututukan ang isyu ng transparency at accountability, kasama ang pagbibigay-prayoridad sa edukasyon at ang pagbusisi sa unprogrammed funds.

Kasabay nito, sinagot niya ang alegasyon ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Rodante Marcoleta na pinanghihimasukan niya ang mandato ng komite.

“Walang nanghihimasok dito… Ayoko ng away pero kung aawayin nya kami, aawayin ko rin siya,” giit ni Lacson.

(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

178

Related posts

Leave a Comment