LUBHANG nababahala ang pamunuan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa talamak na kaso ng sexually transmitted diseases sa hanay ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers.
Ayon sa ahensya, nakababahala ang umano’y pagpositibo ng maraming mga dayuhang manggagawa ng POGO sa iba’t ibang sexually transmitted disease.
Ito ay sa gitna ng ulat ng health department na patuloy ang paglobo ng human immunodeficiency virus cases sa Pilipinas. Sinasabing halos araw-araw ay may naitatalang HIV cases ang kagawaran.
Ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz, umabot na sa 66 na naarestong POGO workers ang nagpositibo sa mapanganib na mga sakit na kinabibilangan ng human immunodeficiency virus, syphilis at hepatitis B.
Nangangamba rin ang opisyal dahil mayroon pang hanggang 9,000 dayuhang manggagawa sa mga POGO hub ang posibleng pagala-gala.
Sinasabing kinakailangang madakip ang mga ito sa lalong madaling panahon upang masuri kung positibo rin sila sa nakahahawang sakit, at para hindi na lalong lumaki ang krisis na dulot ng mga ito.
Ayon sa PAOCC chief, hindi alam ng pamahalaan ang ginagawa ng mga ito araw-araw. Posibleng sa halip na magpagamot sila ay posible aniyang lalo lamang silang magkakalat ng mga sakit.
Sa kasalukuyan, mayroong 700 dayuhan ang naghihintay ng deportasyon habang nasa loob ng PAOCC detention facility sa Pasay City.
May isang banyaga na rin umano ang nasawi dahil sa komplikasyon sa HIV, batay sa record ng komisyon.
(JESSE KABEL RUIZ)
