TALIPANDAS SA UMIIRAL NA BATAS

HABANG abala ang mamamayan sa nalalapit na halalan, palihim na niluluto ang isang sabwatang hangad ay pangangamkam ng malawak na kabundukan sa isang karatig na lalawigan. Ang target ng mga damuho, tahanan ng mga katutubo.
Gamit ang kasunduang nilagdaan ng isang yumaong kalihim ng isang departamento ginigipit, tinatakot at pinapalayas ang mga katutubo.
Ang masaklap, pati ang Presidential Decree 324 na nagpapatibay ng pananatili ng mga katutubong Dumagat sa bulubunduking bahagi ng Baras, Rizal, sukdulang yurakan.
Ang totoo, hindi na bago sa Rizal ang isang pamilyang pumupusturang tagapagtanggol ng kalikasan. Katunayan, ang kumpanyang pag-aari ng kanilang angkan, minsan nang binaboy ang nasabing lalawigan kung saan nila ginawang basurahan ang 105-ektaryang bahagi ng Marikina Watershed noong panahon ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Nang matapos ang kanilang kontrata, iba naman ang pinuntirya – hindi kalayuan pero 27 ulit na mas malaki sa kanilang unang pinagkakitaan, ang ancestral domain ng mga Dumagat.
Giit ng pamilyang ganid, may kasunduan silang ­nilagdaan sa isang kagawaran.
Anila, sila’y itinalagang tagapagtanggol ng kalikasan sa mismong Marikina Watershed na kanilang binaboy at pinagsamantalahan.
Ang problema, nagkamali sila ng puntirya. Dangan naman kasi, hindi na pala bahagi ng Marikina Watershed ang tahanan ng mga Dumagat.
Malinaw ang probisyon sa ilalim ng Presidential Decree 324 – hindi pasok sa Marikina Watershed ang tahanan ng mga Dumagat na protektado ng isa pang batas na kumi­kilala naman sa karapatan ng mga katutubo sa kabundukang naging tahanan nila mula sa sa kanilang mga ninuno.
Gayunpaman, tila desidido silang igiit ang interes sa napakalawak na teritoryo gamit ang kwestyonableng dokumento.
Anila, mas mabisa ang bagong kalatas kaysa sinaunang batas.
Eh sira pala mga ulo ng mga gagong ito!
Gayunpaman, gago man silang ituring, may pag-asa pa rin. Ang kanilang kasakiman, sinamahan pa ng mga bugok sa pamahalaan.
Sa isang pulong balitaan, tinalakay ang kwestyonableng Memorandum of Agreement na nilagdaan ni dating Environment secretary Gina Lopez.
Ayon sa mga bugok, panahon nang repasuhin ang kwestyonableng MOA. Ang masaklap, hindi pa rin papabor sa mga katutubo.
Sa isang banda, tama rin naman sila. Ano nga ba naman ang kanilang mahihita sa mga katutubong walang aral, wala pang yaman.
(Si Fernan Angeles ay ­editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
256

Related posts

Leave a Comment