AMBUSH SA MAYOR NG INFANTA, QUEZON PINATUTUKAN NI PNP CHIEF CARLOS

INATASAN ni Philippine National Police (PNP) chief, General Dionardo Carlos ang kanyang nasasakupan na suyurin ang lahat ng anggulong maaaring may kinalaman sa bigong pamamaslang kay Infanta Mayor Filipina Grace America.

Aminado naman si PNP Chief Carlos na hindi dapat ipagkibit-balikat at tratuhin bilang isang election related violence ang nangyari kay Mayor America dahil sa nalalapit na 2022 national and local elections.

Nauna rito’y sinabi ni Mayor America sa panayam sa kanya ng ilang mamamahayag, ­naniniwala siyang mayroong bahid ­pulitika ang ­pananambang sa kanya, bagama’t hindi pa naman tapos ang ­ginagawang ­imbestigasyon ng PNP hinggil sa totoong motibo sa ­pananambang kay Mayor America.

Kaugnay nito, pinag-iingat naman ni PNP Chief Carlos ang kanyang mga tauhan mula sa mga kaduda-dudang taong magtatangkang ilihis ang imbestigasyon para lang sa pansariling agenda lalo na’t nalalapit na ang halalan.

Matatandaan, noong 2019 ay pinaslang ang ­dating driver ng alkalde na si Michael Cuento at tatlo pang ­indi­bidwal sa isang lamay sa Barangay Ilog, Infanta, Quezon.

Batay sa ulat, ang biktima umano talaga ang ­siyang target ng pamamaril dahil makailang beses itong pinaputukan nang malapitan ng mga kriminal.

Sa naging panayam naman noon kay Mayor America, pinabulaanan nito ang anggulo ng pulitika sa insidente ng pamamaril noong 2019 midterm ­election. Ayon sa kanya, ang motibo sa pagpaslang sa dati nitong driver ay dahil sa quarrying sa lugar kung saan ang biktima ay isang quarry permit holder.

Kanya ring nilantad na may nauna nang ­pagbabanta sa buhay ni Cuento noong 2016 national election ­subalit nabigo ang naunang pana­nambang kay Cuento.

194

Related posts

Leave a Comment