TAMA BANG HUMINGI NG PAHINTULOT SA COP SA LUGAR ANG MAGKO-COVER NA MEDIA?

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KAYA natin natanong ‘yan dahil sa nangyari sa amin bandang alas-2:21 ng madaling-araw kahapon, May 12, 2025. Habang binabagtas namin ang kahabaan ng E. Rodriguez Avenue, Montalban, Rizal ay bigla kaming kinat at pinalibutan ng limang police mobile at mga motor na pawang mga nakasibilyan.

Mga ilang minuto pa bago kami nilapitan ng isa sa mga tao na binanggit natin.

Paglapit sa amin ng isang tao na nakasibilyan at naka-short sa driver side ng aming sasakyan ay binuksan ng aming driver ang bintana matapos katukin kami habang nakapalibot sa amin ang maraming naka sibilyan na kahit isa sa kanila ay walang nakasuot ng uniporme ng pulis.

Sa pagkakataong ito ay tinanong kami kung ano ang ginagawa namin sa lugar, sabi ko iniikot namin ang mga lugar kung saan kami magka-cover dahil pagdating sa araw mahirapan kami dahil trapik na.

Maya-maya kinuha ang media identification ko at kinunan ng litrato ng lalaki na naka-short na hindi ko malaman kung awtoridad siya kasi ‘di naman siya naka-uniporme ng pulis.

Wala kaming magawa kundi ibigay sa kanya media ID dahil marami nila.

Sabi niya, kailangan daw kami magpaalam kay Col. Sabulao, chief of police (COP) ng bayan ng Montalban, bago kami makapag-cover sa lugar.

Kundi kami magpapaalam kay Col. Sabulao ay hindi raw kami pwede mag-cover sa election day, May 12 sa Montalban. Ganun na ba protocol ngayon, need pa namin magpaalam sa pulis bago namin magawa ang aming trabaho?

Kung ano-ano ang tinatanong sa akin ng tao na naka-short na tila may hinala sa sinasabi niyang report na voting buying sa lugar kung saan kami nagpunta at nagkataon nandun sila.

Tama ba General Marbil, sir, ang ginawa sa amin ng PNP Montalban kung pulis man sila, kasi wala naman sa kanila ang nakasuot ng uniporme ng pulis at tila mga kriminal kami na pinalibutan ng police mobile, at mga nakamotor na pawang nakasibilyan.

Samantala, kami na sinita at pinalibutan nila ay naka-marked vehicle, na-official uniform ng media, nakasuot ng dalawang media ID at ang iba sa amin at may Comelec media ID pa.

Pinalalabas pa ng kausap ko na naalarma raw ang mga tao na aming napuntahan.

Marked media vehicle ang dala namin makakaalarm sa mga tao?

Baka naman ang mga gumagapang para gawin ang vote buying pabor sa sinusuportahan nila ang naalarma at kaya sinita kami ay para maipagpatuloy ang kanilang ginagawang kalokohan?

Bakit ang mga nakasakay sa police mobile at mga nakamotor ay pawang nakasibilyan?

Ang talo n’yo lang ay nakapag-video at picture kami laban sa inyo.

Mga kababayan, tama ba ang ginawa ng PNP Montalban sa katulad naming nagtatrabaho lang? Mayroon ba silang itinatago na hindi maganda?

 

60

Related posts

Leave a Comment