(BERNARD TAGUINOD)
HINILING ng isang mambabatas sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipamigay na ang relief goods na nakatambak sa kanilang mga bodega sa nakaraang tatlong buwan.
Ginawa ni House Committee on Civil Service & Professional Regulation chairman Frederick Siao ang nasabing panawagan dahil marami ang nangangailangan ng tulong at makikita ito sa pagsulpot ng mga community pantry.
Ayon sa mambabatas, mula Enero hanggang Marso ng taong kasalukuyan ay nag-imbak ang DSWD ng relief goods para gamitin sa panahon ng kalamidad sa mga nabanggit na buwan.
“Given the fact that there are no high-impact typhoons, major earthquakes, and similar calamities from January to March 2021, I appeal to the DSWD nationwide to release its stockpile of relief goods budgeted for the first quarter of this year,” ani Siao.
Buwan-buwan ay may pondo ang DSWD para pambili ng relief goods na ipamimigay sa mamamayan, magkaroon man ng kalamidad o hindi, bilang paghahanda sa anomang mangyayari.
Dahil dito, tatlong buwan umanong naipon ang mga relief goods sa mga bodega ng DSWD kaya nararapat lamang na ipamigay na ang mga ito sa mga nangangailangan lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ipinaliwanag ng mambabatas na imbes na masira ang relief goods ay ipamahagi na sa lalong madaling panahon lalo pa’t pera naman ng taumbayan ang ipinambili sa mga ito.
Maaari naman aniyang bumili ang DSWD ng panibagong stock para ngayong Abril at sa Mayo para masiguro na may nakaimbak na relief goods kapag nagkaroon ng kalamidad.
