TANGGALIN ANG 15-30 EMPLOYEES

DPA Ni BERNARD TAGUINOD

ANG gobyerno ang pinakamalaking employer sa bansa dahil mahigit 2 milyon ang empleyado nito mula sa national hanggang sa local government units(LGUs) na balak tapyasan ng administrasyong Marcos upang makatipid ng halos P14 billion sa pasuweldo kada taon.

Sa pinakahuling inventory ng Government Human ­Re­sources, 2,337,802 ang empleyado sa burukrasya na kinabibilangan ng 1,597,973 career employees, 157,451 non-career employees, 449,748 na nasa ilalim ng job order at 132,630 ang contract service.

Sa katunayan, ang suweldo ng government employees ang pinakamalaking alokasyon sa national budget kada taon tulad ngayong 2022 na 28% o P1.405 trillion sa P5.044 trillion national budget ang inilaang sahod ng mga ito.

Pero kahit napakaraming empleyado ng gobyerno, hindi pa rin talaga episyente ang serbisyo sa tax payers dahil ang bagal kung umaksyon ang karamihan sa kanila kahit sangkatutak sila sa kanilang opisina.

Mismong ang mga nag-aapruba sa national budget o ang mga mambabatas ang nagsasabi na maraming redundant position sa gobyerno na dapat nang itama dahil ito ang dahilan kung bakit hindi episyente ang serbisyo.

Oo nga naman dahil kung sa isang posisyon ay dalawa o tatlo ang empleyadong nakaupo, magtuturuan sila kung sino ang dapat mag-asikaso sa trabaho nila kaya natutulog ang mga papel sa kanilang opisina at minsan nga nawawala pa.

Pero ang matagal nang pinag-iinitan ay ‘yung mga 15-30 employees na saka lang nagpapakita sa opisina kapag araw ng suweldo. Pinapasuweldo natin sila pero hindi sila nagtatrabaho kaya luging-lugi tayo.

Kasama rin sa dapat tanggalin ‘yung mga empleyado na nagta-time-in lang tapos aalis na at manonood ng sine at babalik lang bago mag-alas-singko ng hapon para magtime-out. Sa ­gobyerno lang ito nangyayari pero sa pribadong kumpanya, hindi ito nangyayari.

Ang tagal nang problema ito, hindi lamang sa national kundi sa local government pero mukhang walang nangyari. Baka sa pagkakataong ito, tuluyan nang mawala ang ghost ­employees na ito na karaniwang bata ng appointees at mga halal na ­opisyales ng bayan tulad nina Mayor.

Sa LGUs, karaniwan na ang job order at contract worker employees na ginagamit na lang nina Mayor para pambayad ng utang na loob sa kanilang mga kababayan na sumuporta sa kanilang kandidatura noong nakaraang eleksyon.

Karaniwang ibinibigay ang mga trabahong ito sa asawa ni Kapitan at mga barangay council members o mga kaanak na naglaan ng oras noong nakaraang eleksyon sa kanila kaya sila nanalo.

Kapag natalo si Mayor, otomatikong mawawala rin ang kanyang ipinuwesto sa job order at contract of service dahil co-terminus ang mga empleyadong ito sa nagpuwesto sa kanila.

Ang problema sa JO at contract workers, sila ang gumagawa ng trabaho ng regular employees kaya relaks na relaks naman ang mga empleyado na regular nating pinapasuwelduhan.

Kung ‘yung regular employees na ayaw magtrabaho dahil ginagawa na ng JO employees ang kanilang trabaho, eh tanggalin na rin at ibigay ang posisyon nila sa JO employees nang tuluyan, ganun kasimple!

279

Related posts

Leave a Comment