Tangkang panunuhol tablado P143-M SMUGGLED YOSI NASAMSAM NG PNP

NASAMSAM sa isa na namang matagumpay na operasyon ng Philippine National Police (PNP) ang tinatayang P143 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sigarilyo—patunay ng matatag na paninindigan ng kapulisan laban sa ilegal na kalakalan at katiwalian.

Isinagawa ang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Acting PNP Chief PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., na patuloy na nagbibigay-diin sa disiplina, malinaw na command responsibility, at integridad sa hanay ng PNP.

Madaling-araw ng Disyembre 17, habang nagsasagawa ng routine anti-carnapping at traffic enforcement ang mga operatiba ng HPG RHPU-3, HPG-NCR, HPG-4A at HPG Special Operations Division sa G. Araneta Avenue, Quezon City, naharang ang dalawang trailer truck. Pinangunahan ang operasyon ng PNP–Highway Patrol Group sa pamumuno ni HPG Director PBGEN Hansel M. Marantan, katuwang ang Bureau of Customs na pinamumunuan ni BGEN Nolasco Bathan.

Sa inspeksyon, nadiskubreng hindi rehistrado ang mga sasakyan at kargado ng humigit-kumulang 2,000 kahon ng sigarilyong pinaniniwalaang undocumented at smuggled.

Batay sa paunang imbestigasyon, ang kargamento ay umano’y nagmula sa isang coastal area sa Bauan, Batangas at patungo sana sa Valenzuela City. Dahil sa laki ng operasyon, agad nakipag-ugnayan ang HPG sa Bureau of Customs at iba pang ahensya upang matiyak ang maayos na paghawak ng ebidensya at mapalakas ang kaso laban sa mga nasa likod ng sindikato.

Lalong tumindi ang usapin nang makatanggap ang mga awtoridad ng kumpirmadong impormasyon hinggil sa tangkang panunuhol kaugnay ng na-impound na mga truck. Bandang alas-3:35 ng hapon ng Disyembre 17, nagsagawa ng entrapment operation ang Regional Highway Patrol Unit 3 sa Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga.

Sa operasyon, umano’y nag-alok ang mga suspek ng P5 milyon kapalit ng paborableng aksyon. Tatlong indibidwal ang naaresto at narekober ang marked money. Kinilala ang mga ito bilang sina Gener Manzanero Gonzales, 58; Rogie Aycardo Rueda, 40; at Loreto Andal Gertes Jr., 48. Nasa kustodiya na sila ng pulisya habang inihahanda ang kaukulang kaso para sa pagsasampa sa korte.

Binigyang-diin ni Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla na hindi papayagan ng pamahalaan ang paggamit ng mga lansangan para sa ilegal na kalakalan at lalong hindi kukunsintihin ang anomang anyo ng panunuhol o panghihimasok sa pagpapatupad ng batas.

94

Related posts

Leave a Comment