NAIS ng isang mambabatas sa Kamara na matukoy kung nasaan ang 1.7 bilyong puno na dapat naitanim sa nakalipas na mga taon.
Ito ang misyon ng House Resolution (HR) 1361 na inakda ni Quezon City Rep. Alfred Vargas para imbestigahan ang National Greening Program (NGP) ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ginawa ng mambabatas ang nasabing resolusyon matapos salantain ng malawakang pagbaha ang Luzon partikular na sa Bicol Region, Marikina, Rizal at Cagayan Valley nang manalasa ang Bagyong Ulysses.
Isinisi sa kawalan ng punong kahoy sa mga kabundukan ang malawakang pagbaha subalit ayon sa mambabatas, noong 2011 ay sinimulan ng NGP ang pagtatanim ng 1.5 bilyon puno sa may 1.5 milyon ektaryang kabundukan sa bansa at natapos ito noong 2016.
“While DENR claimed to have 1.7 billion trees during the five-year span of the NGP, data shows total forest cover of the Philippines is the lowest in Asia at only 23 percent,” ani Vargas sa kanyang resolusyon.
Dahil dito, nais malaman ng mambabatas kung totoong naitanim ang 1.7 billion puno na ito, saan itinanim at ano na ang kalagayan ng mga ito lalo na’t nagkaroon ng malawakang pagbaha kamakailan.
Hindi sinabi ni Vargas kung magkano ang ginastos ng gobyerno sa pagtatanim ng mga punong ito subalit noong 2019 ay humingi ang NGP ng P2.6 billion para sa pagtatanim ng 985,000 puno sa may 900 ektaryang kabundukan sa buong bansa. (BERNARD TAGUINOD)
254 