NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa Department of Education na i-upgrade na rin ang courses sa technical vocational track sa Senior High School.
Kasabay ito ng pasasalamat ni Gatchalian sa panukala para sa pagkakaroon ng National Center for AI Research sa ilalim ng artificial roadmap ng bansa.
Sinabi ni Gatchalian na dapat kasabay ng pagpapabuti ng AI, dapat maitaas din ang level ng pagtuturo sa ating mga estudyante partikular sa mga senior high school.
“Sa ngayon kasi sa senior high school natin pagdating sa techvoc, ang pinag-aaralan traditional courses pa rin. Pero ngayon ang bagong courses AI na, robotics, 4th industrial revolution. Ang buong mundo papunta na rito, pero tayo traditional pa rin. Mapag-iiwanan tayo kung di natin itataas ang level sa ating senior high school,” diin ni Gatchalian.
“Dapat ang mga graduate natin ay mas magagaling sa AI, baka pag-graduate nila ay papalitan na sila ng computer,” dagdag pa ng senador.
Iginiit ni Gatchalian na mahalagang maturuan ang mga senior high school ng ‘coding’ upang makatulong sa paggawa ng programa para sa AI.
Ipinaalala pa ng mambabatas na sa kasalukuyan, in demand na rin sa ibayong dagat ang mga coding engineer kaya’t kinalaunan kung nanaisin ng mga Filipino na mangibang bansa ay mas malawak ang oportunidad para sa kanila.
“Dapat tiyakin na ang mga kakayahan na nakukuha ng mga mag-aaral ay magiging angkop sa inaasahang pag-angat ng artificial intelligence sa bansa. Dapat maging handa ang mga guro sa pagtuturo ng mga kinakailangang competencies sa paglago ng AI,” diin pa ng mambabatas. (DANG SAMSON GARCIA)
