TAGUMPAY ang naging operasyon laban sa bentahan ng ilegal droga ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Team (DET) ng Manila Police District makaraang madakip ang target sa operasyon, at pito pang umano’y kasabwat nito sa ikinasang buy-bust operation sa Sta. Cruz, Manila nitong Sabado ng madaling araw.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Article 2 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang target ng operasyon na kinilalang si Romeo Morales y Castro, 35, kaanib ng Commando gang, at residente ng Tondo, Manila.
Samantala, swak din sa selda ang pito umano nitong mga kasabwat na sina Michael Jordan, 31; Jeremy Gestiada, 25; Keith Iver Mendigo, 21; Ronaldo Gonzales , 55; Cholo Pio Lorenzo, 22; John Lloyd Bautista, 24 , at Jonas De Leon , 21-anyos, pawang sinampahan ng kasong paglabag sa Section 11 ng RA 9165.
Batay sa ulat na isinumite ni P/EMS Rommel Rey, leader ng Team Swabe ng SDET, kay P/Lt. Col. John Guiagui, commander ng MPD- Sta. Cruz Police Station 3, bandang alas-12:30 ng madaling araw nang ikasa ang operasyon sa Aurora Boulevard malapit sa panulukan ng Avenida Rizal sa Sta. Cruz, Manila na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 10 bulto na nasa plastic na hinihinalang dahon ng marijuana na umabot sa 400 gramo na katumbas ng P48,000 ang halaga. (RENE CRISOSTOMO)
