TARGET: POLITICAL DYNASTY

KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI

SA PAGPASOK ng 2026, isang kontrobersyal na isyu ang haharapin ng Kongreso – ang pagpapasa ng batas na magbabawal sa tinatawag na “political dynasty”. Ito ‘yung magpapatigil sa matagal nang praktika ng mga politiko na palit-palitan o sabay-sabay na manunungkulan sa halal na posisyon sa gobyerno ang sinomang kabilang sa kanilang pamilya – kongresista ang tatay, gobernador ang anak, board member ang isa pang anak, mayor ang asawa, konsehal ang ilang kapatid atbp. Pagkatapos ng termino ng isa, papalitan lang ng sinomang kabilang sa pamilya at kakandidato naman sa ibang puwesto ang nagtapos.

Ito ang matagal nang ritwal sa kabila ng isinasaad sa Konstitusyon ng 1987 sa ilalim ng Artikulo II, Seksyon 26: “Dapat seguruhin ng estado ang pantay na pag-uukol ng mga pagkakataon para sa lingkurang pambayan, at ipagbawal ang mga dinastiyang politikal ayon sa maaaring ipakahulugan ng batas”.

Ngunit sa kabila ng malinaw na pagbabawal sa “political dynasty”, hindi nagpapasa ng batas ang Kongreso upang mabigyan ng ngipin ang isinasaad sa Saligang Batas. At bagkus ay hayagan pa itong dinededma

Sa Kongreso lamang, hindi bababa sa 226 sa 318 na miyembro ang may mga kapamilya na nakapwesto sa iba’t ibang posisyon sa lokal na pamahalaan – governor, vice governor, board member, mayor, vice mayor, councilors at hanggang sa posisyon sa barangay.

At sa mga senador naman, apat na pamilya – Tulfo, Villar, Cayetano at Ejercito-Estrada – ang may tig-dalawang magkakapatid ang kasalukuyang nakaupo. Kabuuang walo sa 24-na-kasapi ng Senado. Susmaryosep! Wala na bang iba?

Ayon din sa January 2025 report ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), hindi bababa sa 113 sa 149 na alkalde ng lungsod sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang kabilang sa “political dynasty”.

‘Yun nga lamang, lahat sila ay humarap at pinagkatiwalaan ng taong-bayan sa pamamagitan ng eleksyon. Ibig sabihin, legal ang kanilang panungkulan at wala silang nilalabag na batas kahit na itinatakda ito sa ating Konstitusyon.

Batay sa huling ulat, nasa 17 panukalang batas na papaksa sa “political dynasty” ang tatalakayin sa Kongreso sa pagbubukas nito ngayong Enero. Iba’t ibang antas sa pamilya ang sinasakop ng mga nakahaing panukala na magbibigay depinisyon sa kahulugan ng dinastiya bilang pagtupad sa itinatakda ng Saligang Batas

Ang karamihan sa mga panukala ay naglalayong tukuyin ang mga dinastiyang politikal hanggang ikalawang antas ng pagkakamag-anak sa dugo o sa pamamagitan ng pag-aasawa. Sumasaklaw ang mga panukalang batas sa mga politiko at sa pamilya rin ng kanilang mga asawa – kabilang ang mga kapatid, anak, magulang, lolo’t lola, at mga apo. Malawak ang sasaklawin. Komprehensibo.

Ngunit ang tanong sa kukute ngayon ni Juan de la Cruz – anong klaseng batas na tutugon sa isyu ng “political dynasty” ang ipapasa sa Kongreso na magsisilbing lubid na bibigti sa maraming kasapi ng kapulungan? Uulitin kong muli – hindi bababa sa 226 sa kabuuang 318 na kasalukuyang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ay kabilang sa “political dynasty”.

Ikaw si politiko, papayag ka bang magpasa ng batas na magwawakas sa dominasyon ng iyong pamilya sa inyong balwarte? Gayung nakahanda na si misis o ang anak mo na humalili sa iyo sa pagtatapos ng iyong termino at ikaw naman ang papalit sa puwesto nila bilang gobernador o mayor kaya? Kaya maliwanag na suntok sa buwan kung papayag ang karamihan sa mga kongresista na palusutin ang batas na magbabawal sa “political dynasty” at magwawakas sa tinatamasa nilang kapangyarihan.

Gayunpaman, mahirap na dedmahin ang isyu. Mainit ito ngayon resulta ng mga nabuyangyang na multi-bilyong pisong korupsyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at marami pang ahensya ng gobyerno. Karamihan sa mga nabistong dekwatan ng pondo ay may kasabwat na politiko na kabilang sa “political dynasty”.

At batay rin sa survey ng Pulse Asia kamakailan, tinatayang nasa 54 percent ng mga Pinoy ay sumusuporta sa mabilis na pagpapasa ng batas na magbabawal sa “political dynasty”, 27 percent ang “undecided” ang tugon at 18 percent lamang ang tutol sa anomang batas na puputol sa “political dynasty”.

Gayunpaman batay sa personal kong pananaw, hindi naman lahat ng mga nanungkulan sa posisyon na kabilang sa pamilya ng mga politiko ay maituturing na masama o abusado sa kapangyarihan. Hindi ito makatarungan sa mga matitino at matatapat na lingkod bayan na ang pangalan ay mula sa angkan ng mga politiko. Humarap sila sa pagdedesisyon ng mamamayan noong eleksyon at tumanggap ng mandato upang maging opisyal ng gobyerno. Malaya rin ang sinoman sa ginawang paglaban sa kanila noong halalan.

Kung abusado, walang silbi o manderekwat si kandidato, dapat ay huwag iboto kahit pa siya ay kabilang sa makapangyarihang pamilya ng mga politiko. Ito ang nararapat na gawin ng sinomang botante sa bawat eleksyon.

Ngunit kung sakaling magkakaisang magpasa ng batas ang mga kasapi sa Kongreso na maglilinaw kung hanggang saan ang saklaw ng “political dynasty”- huwag lang itong garapalang aampawin – isa na itong makabuluhang hakbang sa pagpapanday ng isang makatarungang political system sa bansa. Papalakpakan ko ito. Sana, maging simula na ito sa mga susunod pang batas tungo sa mas progresibo pang pagbabago sa eleksyon.

##########

Nitong nakaraang Lunes ay nilagdaan na ni PBBM ang P6.793-trillion national budget para sa taong 2026. Tumutulo na ang laway at nangangatal na ang kamay ng mga manderekwat sa gobyerno sa kanilang gagawing pagbibilang sa makukulimbat nilang kwarta mula sa pondo ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.

Kahit na ano pang sabihin ng mga “kagalang-galang” (PWE!) na opisyales ng gobyerno na wala nang puwang ang korupsyon sa pambansang badyet, isa itong garapalang kasinungalingan. Sa ilalim ng sistema ngayon, magugunaw ang mundo pero hindi mapipigilan ang dekwatan sa kabang-yaman ng pamahalaan. Ito ang nakasusuka at nakagagalit na katotohanan sa Pilipinas.

Kaya mo pa, Juan de la Cruz?

30

Related posts

Leave a Comment