TASK FORCE NILIKHA PARA SA BATAAN OIL SPILL

LUMIKHA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng isang inter-agency task force para mabilis na matugunan ang posibleng epekto ng oil spill mula sa tumaob na M/T Terra Nova sa baybayin ng Limay, Bataan.

Ang task force ay pangungunahan ng Office of the Civil Defense kasama ang Department of Environment and Natural Resources (DENR), Philippine Coast Guard (PCG), at Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang mga miyembro nito.

Kasama rin sa task force ang Department of Health (DOH), Department of Labor and Employment (DOLE), at Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ipinag-utos naman ni Pangulong Marcos sa DENR, sa pakikipagtulungan sa DoH na magsagawa ng kinakailangang ‘water at air quality tests’ habang ang health department ay inatasan naman na i-check ang kalusugan at medical condition ng mga residente.

Susuriin naman ng PCG ang kondisyon ng tumaob na motor tanker habang ang DILG naman ay makikipag-ugnayan sa local government units (LGUs) para sa pagtugon.

Samantala, ipatutupad ng DOLE ang livelihood programs para sa apektadong residente habang ang DSWD ay inatasan na magbigay ng tulong.

Ang task force ay inatasan na makipag-ugnayan kay Oriental Mindoro Governor Bonz Dolor upang kunin ang pananaw nito ukol sa matagumpay na pagtugon ng lalawigan sa isang oil spill noong nakaraang taon.

“Tapping the non-government organizations is also needed to address the problem,” ayon kay Pangulong Marcos.

Sa situation briefing sa Malolos, Bulacan, sinabi ni PCG Admiral Ronnie Gil Gavan kay Pangulong Marcos na nakita ang pagtagas ng langis mula sa tumaob na barko ay mula sa fuel tank at hindi pa sa cargo.

Matatandaan na nangyari ang insidente madaling araw ng Huwebes habang naglalayag ang motor tanker mula Bataan patungo sanang Iloilo na naglalaman ng 1.4 milyong litro ng industrial fuel.

Mula sa 17 lulan ng MT Terra Nova, 16 ang nasagip habang nasawi naman ang isang tripulante. (CHRISTIAN DALE)

252

Related posts

Leave a Comment