MAS makabubuti sa Philippine National Police Region 8 (PNP-R8) na ‘wag na silang makialam sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Calbayog City Mayor Ronald Aquino kamakailan.
Mga pulis kasi ang itinuturong dahilan ng pagkamatay ni Mayor Aquino at tatlo pang kasamahan nito.
Bagamat may nalagas din sa panig ng pulisya sa nasabing palitan ng putok ng mga baril sa pagitan ng kampo ni Mayor Aquino at mga awtoridad, mas makabubuti sigurong ipaubaya na lang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa nasabing insidente.
Hindi maiiwasan na magduda lang ang taumbayan sa gagawing imbestigasyon ng pulisya dahil baka puro panig lang ng PNP ang kalabasan ng resulta ng pag-iimbestiga.
Hindi kasi kapani-paniwala na magiging patas ang imbestigasyon na isasagawa kung ang sarili o kasamahan nila sa trabaho ang iimbestigahan, tiyak na bias ang resulta.
Ngayon pa lang, ang kampo ni Mayor Aquino ay nangangamba na baka lagyan ng isyung may kinalaman sa ilegal na droga ang pagkamatay ng alkalde.
Isang araw matapos na mapaslang si Mayor Aquino ay agad sinabi ng PNP Region 8 na bumuo sila ng Special Investigation Task Group Aquino na mag-iimbestiga sa patayan na naganap.
Matatandaang tadtad ng tama ng bala ang sinasakyang puting van ni Mayor Aquino. Kasama niya ang kanyang bodyguard at driver at patungo sana sila sa birthday party ng kanyang anak.
Agad naglabas ng statement ang PNP na ang nangyari ay shootout at hindi rin daw nila alam na ang sakay ng puting van ay si Mayor Aquino.
Hindi naman kumbinsido si Samar Cong. Edgar Sarmiento na shootout ang nangyari dahil hindi unipormado ang mga pulis, naka-bonnet pa umano ang ilan sa kanila at may dala pang M203 o pampasabog ang ilan sa mga ito.
Sabi pa ng kongresista, sinadya at naniniwala siyang pulitika ang nasa likod ng pamamaslang sa kanilang alkalde.
Naging emusyunal pa ang kongresista habang iniinterview siya ni Kabayan Noli De Castro dahil wala naman daw silang hiling sa kanilang lugar kundi ang kanilang kaunlaran.
Matatandaang pinatay din sa pamamagitan ng pamamaril noong Mayo 2011 si Calbayog City Mayor Reynaldo Uy habang dumadalo sa piyesta sa bayan ng Hinabangan.
Ayon pa sa pahayag ni Cong. Sarmiento, kaya nagkaroon ng casualties sa panig ng pulisya ay dahil gumanti ng putok ang kampo ni Mayor Aquino na may kasama ring bodyguard.
Sa pagkakataong ito ay muli na namang nababahiran ng kontrobersiya ang PNP.
Sunod-sunod ang dagok sa PNP dahil mismong mga tauhan nila ang nasasangkot sa mga patayan sa kapwa nila taga gobyerno pa ang kanilang nababangga.
Malaking suliranin ito na nakaatang sa balikat ni PNP Chief Gen. Debold Sinas para maiahon sa kontrobersya ang kanilang hanay.
Mukhang maraming lumilihis sa kanilang chain of command.
Kamakailan ay tinalakay natin ang “values” ng isang tao.
Pag ang values kasi ang nawala sa isang tao ay talagang malaking problema.
Pag wala kasing values ang isang tao, mas maraming pumapasok sa pag-iisip na kasamaan at wala siyang pakialam sa damdamin ng kanyang
kapwa basta sa kanya kung anong naisip niya na pabor sa kanya.
Ganun din naman bago napapasok sa pagiging awtoridad ng isang sibilyan ay dumadaan siya sa mga pagsasanay.
Kundi tayo nagkakamali 3 buwan sa field training at 3 buwan sa theory academic training para sa isang Police Officer (PO).
Samantala ang mga opisyal nila lalo sa mga nag-aaral sa Philippine National Police Academy (PNPA) at apat na taon (4) ang kanilang ginugugol bago sila tuluyan nagiging commission officer na tinatawag.
Ganun din sa Philippine Military Academy (PMA) sa Baguio City na napakahigpit pa ang screening bago nakakalusot ang isang aplikante sa mga institusyong ito.
Maganda sana kung nasusunod sa PMA ang “Courage Integrity Loyality” at “To Serve and Protect” sa PNPA.
Humahantong tuloy sa pagkukumpara sa pagitan ng mga pulis at militar.
Sabi ng netizens mas marami ang kinasasangkutan katiwalian ang pulisya kung ikukumpara sa mga militar.
Hindi rin daw namimili ng kinakalaban ang mga nasa PNP kahit na kapwa nila nasa law enforcement ay kanilang kinakalaban.
Tulad ng mga sunod-sunod na insidente sa pagitan ng militar at PNP sa Jolo na ikinamatay ng 4 intelligence officer ng Philippine Army (PA), Commonwealth Avenue, Quezon sa pagitan ng mga tauhan ng QCPD at PDEA at itong pinakahuli ay ang pagkamatay ni Mayor Aquino sa Calbayog City.
Natatandaan natin ang PNP noong araw ay pinagsama ang Philipppine Constabulary (PC) at Police kaya naging Philippine Constabulary Intergrated National Police (PCINP) hanggang sa ngayon na Philippine National Police (PNP).
Dati kahit naka-72 units ka lang sa kolehiyo ay tatanggapin ka na maging miyembro ng pulisya.
Ngayon kung kelan na dapat tapos ka ng 4 year course sa kolehiyo bago ka maging miyembro ng PNP at saka naman nasasangkot sa ibat-ibang kontrobersiya.
Naniniwala ang PUNA na may pagasa pang maayos ang imahe ng PNP, pero depende yan sa kanilang pamunuan kung paano nilang gagawin.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon mag-email joel2amongo@yahoo.com at operarioj45@gmail.com o mag-text sa 0919-259-59-07.
