(CHRISTIAN DALE/BERNARD TAGUINOD)
SERYOSO ang pamahalaang Marcos Jr. na kalusin ang matagal nang ‘red tape’ sa gobyerno sa pamamagitan ng pagtanggal sa mga ahensya na may kahalintulad na serbisyo.
Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), ang panukalang “rightsizing” sa gobyerno ay target na isumite sa Kongreso bago pa ang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Aayusin po ng programang ito ‘yung mga ahensya na mayroong repetitive functions or overlapping functions,” ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman sa isang panayam.
Layon nito na lumikha ng mabilis at kaagad na tumutugon na burukrasya.
Ang burukrasya ay kasalukuyang mayroong 187 ahensiya at government-owned and controlled corporations (GOCCs), tinatayang mayroong dalawang milyong manggagawa.
“Streamlining may be done by merging, restructuring, or abolishing government entities,” ayon kay Pangandaman.
“Pwede po silang mag-apply doon sa ibang position na pwede nating gawin at mabuo because of the rightsizing po. ‘Yung iba, magbibigay tayo ng tamang programa para sa kanila for retooling.
Kasama po natin posible po ang Civil Service Commission,” dagdag na pahayag nito.
Ang retirees ay bibigyan ng kanilang retirement benefits.
Ang teaching at teaching-related positions, medical at allied medical positions, military at iba pang uniformed personnel ay exempted mula sa proposal.
Agad namang nagpahayag ng suporta si Senador Joel Villanueva sa rightsizing ng mga ahensya ng gobyerno.
Gayunpaman, sinabi ni Villanueva na bago ito pag-usapan ay may ilang isyu munang kailangang sagutin ang national government.
Una, sinabi ng senador na 1 out of 10 ng mga awtorisadong posisyon sa national government ang hindi pa rin napupunan ngayon.
Ayon pa kay Villanueva, kailangan ng komprehensibong pag-aaral sa staffing pattern ng government agencies para matukoy kung ang mga kasalukuyang plantilla positions ay lipas na, redundant o hindi na kailangan.
Ikalawa, ay kung bakit marami pa ring government workers ang nasa bilang ng Job Order (JO) o Contract of Service (COS) kahit marami pang hindi napupunang plantilla positions.
Kasabay naman nito ay binigyang diin ni Villanueva na dapat ding paghandaan ng pamahalaan ang Employment generation program sakaling kinakailangang mag-alis ng ilang empleyado sa gobyerno.
Kongreso dapat sumunod
Maging sa Kamara de Representantes ay kinatigan ang isinusulong na pagtatabas ng administrasyong Marcos sa mga ahensya at kawani sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaan.
Para kay Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez, angkop lamang magbawas ng mga tanggapan at mga kawaning pinopondohan para sa mandatong katulad lang ng ginagampanan ng mga kagawaran at kawanihan, lalo pa’t inaasahang makatitipid ang gobyerno ng hindi bababa sa P15 bilyong maaaring gamitin sa mga makabuluhang programa at proyekto para sa sambayanan.
Panawagan ni Rodriguez sa Kongreso, sundan ang yapak ng sangay ng ehekutibo.
“This effort deserves the support of Congress. In fact, the legislature should match it with a similar undertaking,” ayon sa kongresista.
Ayon kay Rodriguez, suportado niya ang giit ng Department of Finance (DOF) at Department of Budget and Management (DBM) na magbawas ng empleyado ang gobyerno sa hangaring maghigpit ng sinturon sa gitna ng lumalalang krisis sa ekonomiya. Higit pa sa matitipid na pera, target din ng Pangulong kalusin ang “red tape” sa gobyerno.
Sa datos ng mambabatas, tinatayang dalawang milyon ang mga empleyadong konektado sa 187 ahensya ng gobyerno. Sa nasabing bilang 1,597,973 are pasok sa kategorya ng career employees habang 157,451 naman ang non-career employees – bukod pa ang 449,748 Job Order personnel at 132,630 na nakalagda sa contract service.
Wala naming inaaahang paggalaw o pagbabawas sa Department of Health (DOH) at Department of Education (DepEd).
“The are many redundant agencies, councils, offices, task forces, and similar executive and legislative creations that could be abolished or merged without sacrificing the functions of the surviving entities,” ani Rodriguez.
“Just look at the annual budget and one will find that there are councils and offices in many departments that overlap or duplicate the functions of the bureaus or agencies under these departments,” dagdag pa ni Rodriguez.
Partikular na tinukoy ng mambabatas ang aniya’y “over-lapping functions” sa pagitan ng Department of Labor and Employment Labor (DOLE) at Department of Overseas Filipino Workers.
192
