PATAY sa apat na tama ng punglo ang tatay ni Dr. Chao Tiao Yumol, ang suspek sa Ateneo de Manila University shooting incident, nang pagbabarilin ng riding in tandem gunmen sa harap ng kanilang bahay sa Lamitan City, Basilan nitong Biyernes ng umaga.
Dalawang armadong kalalakihan ang sumalakay at bumaril kay Rolando Yumol, 69, isang retiradong military officer, sa harap ng bahay nito sa Rizal St., Barangay Maganda, pagkumpirma ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo.
Hinihinalang ridu o s clan war ang nasabing pamamaslang sa ama ni Dr. Yumul, katunayan ayon sa ilang kamag anak nito, walang punerarya ang gustong tumanggap sa bangkay ng biktima.
Isinakay lamang umano ito sa isang truck, na ipinakita sa isang larawan na ipinarating sa media.
Sa ibinahaging ulat ni Lamitan Police Station chief, Lt. Col. Tadzhabel Managola, tinamaan ng apat na bala sa likod ang biktima na nagawa pang itakbo sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.
Ang anak ng biktima ay prime suspect sa shooting incident sa graduation ceremony sa loob ng Ateneo campus na ikinamatay ng tatlo katao na kinabibilangan ni dating Lamitan Mayor Rose Furigay, ang kanyang personal aide na si Victor Capistrano, at ang security guard na si Jeneven Bandiala.
Patuloy pang iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang nangyaring pamamaslang sa tatay ng Dr. Chao Tiao Yumol.
Ayon kay PNP PIO Brig. General Roderick Augustus Alba, nagsasagawa na ng imbestigasyon ang Lamitan PNP hinggil sa naturang insidente.
Kasunod ng mga naglutangang balita na posibleng umpisa na ng ridu o clan war ang nangyaring pamamaslang sa matandang ama ni Dr. Yumul, agad itong sinawata ni PNP PIO chief, Police Brig. Gen Augustus Alba.
Ayon kay Alba, lubhang maaga para sabihing may kaugnayan ang pagpatay sa ama ni Yumol sa ginawang pagpatay ng huli sa dating alkalde ng Lamitan City, Basilan na si Mayor Rose Furigay at malubhang pagkasugat ng anak nitong babae.
Apela ni Alba sa publiko, tigilan muna ang espekulasyon sa pagkamatay ng nakatatandang Yumol.
Nabatid na una nang lumutang ang haka-haka na rido ang nangyari o gantihan ng patayan sa mga pamilya para makamit ang hustisya. (JESSE KABEL)
155 