INIIMBESTIGAHAN ngayon ang ilang opisyal ng Bureau of Customs sa Port of Batangas dahil sa koneksyon umano sa nakumpiskang P1.2 billion na halaga ng smuggled na sigarilyo sa Barangay Balete, Batangas City noong New Year’s Eve.
Sinasabing, ang pagkakatukoy ng pagkakakilanlan ng isa sa mga pangunahing suspek sa smuggling ang susi para malaman ang mga opisyal ng customs na nagbigay ng go signal upang i-clear ang illegal shipments ng yosi.
Una ring sinabi ng PNP-Highway Patrol Group na ang mister ng isang empleyado ng customs ang nagrerenta ng container yard kung saan natagpuan ang 14 trailer trucks na naglalaman ng smuggled na sigarilyo.
Nabatid na mayroong trucking business ang asawa ng nasabing customs employee.
Wala umanong basta-basta mangangahas na ipasok ang ganoon kalaking halaga ng illegal shipment kung walang permiso mula sa itaas.
Sinabi ni Customs Assistant Commissioner Philip Vincent Maronilla, naisasagawa ang cigarette smuggling sa bansa sa pamamagitan ng misdeclaration o kaya ay outright smuggling.
Ang mga misdeclared goods ay madali lamang masusuri dahil sa paper trails pero kung outright smuggling, hindi ito dumadaan sa normal customs procedure na pinagdadaanan ng mga imported goods.
Sinabi ni Maronilla na mahigpit ang patakaran ng BOC lalo na sa cigarette smuggling base na rin sa utos mismo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Posible ayon kay Maronilla na ipinupuslit ang mga sigarilyo sa mga pribadong pantalan gamit ang maliliit na barko.
Iniutos na ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno ang imbestigasyon sa napaulat na paglaganap ng cigarette smuggling sa bansa at iba pang ilegal na aktibidad na umano ay kinasasangkutan ng ilang opisyal ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS).
Nauna na ring inalis sa kanyang pwesto si Intelligence Officer III Paul Oliver Pacunayen, ang hepe ng CIIS Field Station, POM.
Ang pangalan ni Pacunayen ay kabilang umano sa mga nabanggit sa ipinadalang liham kay Pangulong Marcos ng ilang concerned officials, employees at stakeholders ng BOC hinggil sa paglaganap ng smuggling activities sa mga pantalan sa bansa.
Nabanggit din sa liham si CIIS Director Thomas Narcise at ang isang customs broker na dati nang natukoy sa 2022 Senate report bilang major agricultural smuggler na nag-ooperate sa Port of Subic, Manila International Container Port, Port of Manila, Port of Batangas, at Port of Cebu.
Sa Kamara, naghain na ng resolusyon si Marikina City Rep. Romero Quimbo, chairman of the House Ways and Means committee para maimbestigahan ang pagkakakumpiska ng smuggled na sigarilyo noong New Year’s Eve sa Batangas at sa Malabon na may kabuuang halaga na 2.6 billion pesos.
Kabilang sa ipinatatawag sa ikakasang pagdinig sina Port of Batangas District Collector Carmelita Talusan, Manila International Container Port District Collector Rizalino Jose Torralba at Port of Manila District Collector Alexander Gerard Alviar.
Inimbitahan din sina Nepomuceno, Maronilla, Deputy Commissioners Romeo Allan Rosales (Intelligence Group); Nolasco Bathan (Enforcement); Agaton Teodoro Uvero (Assessment and Operations Coordinating Group) at Revsee Escobedo (Management Information Systems and Technology Group).
10
