ISANG grupo na tinawag ng mga mambabatas sa Kamara na ‘Team Amoy Asim’ ang nakatanggap umano ng confidential and intelligence fund (CIF) ni dating Department of Education (DepEd) secretary at Vice President Sara Duterte.
“Sa patuloy na pagsusuri ng Kongreso sa listahan ng mga nakatanggap ng confidential funds ng DepEd, may bagong grupo na naman—ang tinatawag nating ‘Team Amoy Asim’,” tinukoy ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil lumabas ang mga pangalang ‘Amoy Liu’, ‘Fernan Amuy’ at ‘Joug De Asim’ na mga recipient umano ng CIF ni VP Duterte sa ilalim ng DepEd.
Noong 2023, binigyan ng ₱150 milyong CIF si Duterte sa DepEd bukod sa ₱500 milyon sa Office of the Vice President (OVP) at hiwalay ito sa ₱125 Million na ibinigay sa kanya noong 2022 na ginastos sa loob ng 11 araw lamang.
Karagdagan ang mga pangalang ito kina ‘Mary Grace Piattos’, at ‘Budol Gang’ na sina ‘Renan Piatos’, ‘Pia Piatos-Lim’, ‘Xiaome Ocho’, ‘Jay Kamote’, ‘Miggy Mango’ at limang indibidwal na may mga pangalang ‘Dodong’ na mga benepisyaryo naman ng CIF ng OVP.
“Una, may chichirya, may cellphone at may prutas. Sumunod ang ‘Dodong Gang’. Ngayon naman, nandito na ang ‘Team Amoy Asim’. Kung sa listahan pa lang ay maasim na ang dating ng pekeng mga pangalan, paano pa kaya sa mga transaksyon mismo?” tanong ni Ortega.
Tulad aniya ng mga naunang kakaibang pangalan, wala rin umanong birth, marriage o death record sina Liu, Amuy at De Asim, batay sa datos mula sa Philippine Statistic Authority (PSA).
“Anong klaseng payroll ito? Lahat ng pangalan ay parang gawa-gawa lang. Imposible ang ganito kung sumusunod sa tamang proseso. Kung maayos ang sistema, bakit parang magic na lang na napunta ang pera sa mga pangalan na wala namang pagkatao? Nasaan ang mga dokumento? Nasaan ang mga sagot?” ayon pa sa kongresista.
Kabilang dito ang kuwestiyonable pang paggamit at paggastos ni VP Duterte sa kanyang CIF sa 7 impeachment article na ipinasa ng Kamara sa Senado noong Disyembre 2025.
(PRIMITIVO MAKILING)
