TEENAGE PREGNANCY, ISANG SERYOSONG ISYUNG PANLIPUNAN

FORWARD NOW

Bilang mambabatas ay malaki ang tungkulin natin na mabigyan ng karampatang kaalaman ang mga kabataan upang magkaroon sila ng kapasidad na magdesisyon nang maayos para sa kanilang kinabukasan.

Ang teenage pregnancy ay isang isyung panlipunan na dapat mapag-aralang mabuti ang kasalukuyang kalagayan at makahanap ng mabisang paraan upang masolusyunan ito.

Mismong sa pangulo nanggaling ang kautusan na magsama-sama ang mga ahensya ng pamahalaan at tipunin ang lahat ng stakeholders upang talakayin ang isyung ito.

Bilang pagtalima sa panawagang ito ng pa­ngulo, ang DepEd at DOH ay nag-organisa ng dayalogo sa layuning mapag-aralang mabuti at masolusyunan ang teenage pregnancy.

Ang teenage pregnancy rate sa bansa ay bumaba ng 8.7 percent noong 2017 kumpara sa 10.2 percent noong 2016. Bagama’t may malaking pagbabago sa datos na ito, nakakaalarma pa rin ang mataas na bilang ng maagang pagbubuntis ng mga kababaihan na wala pa sa hustong gulang. Katumbas nito ang 196,000 na kabataang Filipina o yaong nasa edad 15 hanggang 19-anyos ang kadalasang nasasadlak sa ganitong sitwasyon. Ang hindi planadong pagbubuntis ay nagdudulot ng komplikadong isyu at mabigat na suliranin gaya ng pagkasira ng kalusugan at pagtigil sa pag-aaral.

Nakahanda na ang mga ilalatag na diskarte ng go­byerno upang maaksyunan ito gaya ng pagpapatupad ng Reproductive Health Law o RA 10354, pagsasaayos ng service delivery networks para sa panganganak, adolescent health at pagpaplano ng pamilya, reproductive health education, paghimok sa mga magulang, guro, civil society, youth organizations at iba pang stakeholders na magsilbing gabay at magbigay ng magandang impluwensya sa kabataan.

Alam natin na ang ma­yorya sa populasyon sa bansa partikular sa Montalban ay binubuo ng mga nagtatrabahong edad, mula 15 hanggang 64-taong gulang. Nangangahulugan, tayo ay may aktibong populasyon na may mataas na potensyal ng pagiging produktibo na magmamaniobra upang umangat ang ekonomiya at umunlad ang lalawigan ng Rizal.

Ang pangmatagalang solusyon sa usaping ito ay magsisilbing hamon sa atin upang maabot ang pinakaaasam na pag-unlad at magsisilbing instrumento para mas mapabuti ang bayan ng Montalban at ang buong lalawigan ng Rizal.

oOo

Si Congressman Atty. Fidel Nograles ang kinatawan sa Kongreso ng Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Rizal. Siya rin ang Assistant Majority Leader ng House of Representatives at Vice Chairman ng Committee on Higher Education, Justice, at Indigenous Peoples. (Forward Now / Rep. Fidel Nograles)

700

Related posts

Leave a Comment