TELECOM COMPANIES WALA NANG LUSOT SA BAYANIHAN 2

WALA nang puwedeng idahilan para makalusot ang mga telecom companies para hindi gumanda ang kanilang serbisyo ngayong may Bayanihan Act 2 na.

Kabilang kasi sa nilagdaang batas ay ang pagbibigay ng special powers kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suspindehin ang requirements para makakuha ng permits at clearances sa pagtatayo ng telco at internet infrastructure.

“Now, kahapon po sinimulan natin iyong paghihimay natin ng Bayanihan II Act or iyong RA 11494.

Sinimulan po natin kahapon iyong saan pupunta iyong almost P165 billion na pondo na galing sa kaban ng taumbayan. At ngayon naman po ay tingnan natin ang ilan sa mga special powers na ibinigay ng batas sa ating Presidente,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

“Unang-una po, kasama po diyan iyong kapangyarihan na magkaroon ng deployment of critical information and communications technology infrastructure tulad ng additional cell towers, equipment, software at wireless technologies sa buong bansa.

Para magkaroon ng katuparan ito, ilan sa mga measures ang mga sumusunod: Pansamantalang suspension ng requirements para makakuha ng permits at clearances sa pagtatayo ng telco at internet infrastructure,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

Aniya, lahat ng pending at new applications para sa pagpapatayo ng bagong cell sites, cell towers, roll-out ng fiber at iba pa ay kinakailangang madesisyunan sa loob ng seven working days mula sa araw ng matanggap ang date of application.

Kung walang aksiyon, ani Sec. Roque ay maituturing na “deemed approved” na ang isang aplikasyon.

“Lahat ng pending at new applications para sa pagpapatayo ng bagong cell sites, cell towers, roll-out ng fiber, paglalagay ng poles, ground terminals at iba pang mga kinakailangang madesisyunan sa loob ng seven working days mula sa araw na matanggap ang date of application. Ito po ay non-extendable.

Ang application na hindi po aaksiyunan sa panahon na iyon ay deemed approved,” aniya pa rin.

Lahat aniya ay binigay na sa mga service provider kaya wala nang lusot ang mga ito kung palpak pa rin ang kanilang serbisyo.

“Isa lang po ang ibig sabihin nito, wala na pong lusot ang ating mga telecom providers kung palpak pa rin ang kanilang serbisyo – lahat po nang hiningi nila ay binigay na natin.

Tingnan po natin pagkatapos ng Bayanihan II sa Disyembre ng taong ito, dapat magandang-maganda na ang serbisyo ng mga telecoms company,” ayon kay Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)

174

Related posts

Leave a Comment