INAMIN sa Office of the Ombudsman ng nagsampa ng kaso kay Marikina Mayor Marcy Teodoro na siya’y kaalyado ni Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Sa pagharap sa media, inamin ni Sofronio Dulay na siya’y kaalyado ng mga Quimbo nang komprontahin ukol sa kanyang mga Facebook post na pabor sa katunggali ni Teodoro.
“Imposible naman na sumuporta pa ako kay Marcy. Dinemanda ko tapos susuporta ako sa kanya. Illogical,” katwiran ni Dulay.
“Siyempre doon ako susuporta sa walang kasalanan,” dagdag pa niya.
Sa kanyang Facebook page, ibinida pa ni Dulay sa isa niyang post na si Quimbo ay ipinanganak at laki sa karangyaan pero makamahirap.
Pinakalat pa ni Dulay ang kanyang post sa iba’t ibang Facebook page ng mga taga-Marikina, kabilang na ang Marikina News na nagsusulong ng kandidatura ni Quimbo.
Makikita rin ang hashtag na #quimbomeanslove sa kanyang mga post at reels, patunay ng kanyang suporta at alyansa sa mga Quimbo.
