(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
SINALUBONG ng galit na mga taga-Marikina ang kautusan ng Office of the Ombudsman na patawan ng anim na buwang suspensiyon ang kanilang alkaldeng si Marcy Teodoro.
Kinondena ng mga residente ng siyudad ang suspensyon sa pagsasabing wala itong epekto sa kanilang suporta sa alkalde.
“Solid kami kay Mayor Marcy. Iyan ang sigaw ng taga-Marikina,” wika ng isang residente.
“Team Marikina City pa rin kami. Solid ang suporta namin kay Mayor Marcy,” dagdag pa ng isa.
Anila, hindi magbabago ang kanilang pananaw sa mga Teodoro, na subok na ang serbisyo sa mga taga-Marikina.
Sa isang pahayag, kumpiyansang sinabi ni Teodoro na alam na ng mga taga-Marikina ang kanyang track record sa paglilingkod at kanyang mga nagawa para sa lungsod.
“Kilala tayo ng mga taga-Marikina sa 30 taon kong paglilingkod para gawing maayos at maunlad ang ating lungsod. Hindi nila madaling maloloko ang mga residente rito,” sabi ni Teodoro.
Sa kabila ng suspensyon, nangako si Teodoro na ipagpapatuloy ang laban para sa mabuting pamamahala, para sa malinis at tapat na paglilingkod, at para sa bawat residente ng Marikina.
Nilinaw rin ng alkalde na nananatili siyang kandidato sa darating na halalan sa Mayo at hindi patitinag sa mga banta at paninira ng mga kalaban sa pulitika.
Kaugnay nito, inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na hindi makaaapekto sa halalan ang suspensyon ni Teodoro.
Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hangga’t wala pang pinal na hatol ay mananatiling kandidato si Teodoro at maaari pa ring maiproklama sakaling manalo ito sa Mayo.
