WALANG numero si Marinduque Rep. Lord Allan Jay Velasco kung idadaan sa botohan ang speakership sa mababang kapulungan ng Kongreso at kung hahayaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdesisyon ang mga mababatas kung sino ang nais nilang mamuno sa kanila.
Ito ang paniniwala ni House deputy speaker Neptali “Boyet” Gonzales II matapos maglabas ng kanilang baraha ang iba’t ibang grupo ng mga mambabatas sa Kamara kung sino ang nais ng mga ito na maging Speaker.
“If the House will be left alone to decide the issue of Speakership – then I think, Speaker Alan Peter Cayetano will remain as the head of the House of Representatives,’ ani Gonzales.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos ilabas ng iba’t grupo tulad ng Cavite Bloc, Northern Luzon Bloc, Batangas bloc, Party-list bloc at iba pang partido kasama na ang National Unity Party (NUP) na suportado ng mga ito ang liderato ni Cayetano.
Hindi pa rin naglalabas ng statement si Velasco sa paghahayag ng kanyang mga kasamahan ng kanilang baraha at maging ang panawagan sa kanya na hayaan si Cayetano na tapusin ang 18th
Congress dahil bata pa naman umano ito at marami pang pag-asa na maging Speaker ito ng Kamara.
Bukod sa wala umanong suporta si Velasco ay idinahilan ng mga mambabatas ang coronavirus disease 2019 pandemic para huwag nang baguhin ang organisasyon ng Kamara.
“At kung meron pang makakadagdag sa desisyon siguro ng mga miyembro ng Kamara na panatiliin si Alan Peter Cayetano bilang Speaker of the House sa panahon ngayon – ay itong kasalukuyang sitwasyon na siguro ng global pandemic ng COVID-19,” ani Gonzales.
Masalimuot umano masyado ang sitwasyon sa bansa at sa buong mundo ngunit hindi maaapektuhan ang trabaho ng Kongreso subalit kapag nagpalit aniya ng organisasyon ay posibleng madiskaril ang lahat ng mga naumpisahang trabaho. (BERNARD TAGUINOD)
122
