Testimonya ni Patidongan kwestyonable – abogado; KAMPO NI ATONG ANG, BUKAS SA MGA KASONG ISINAMPA

MALUGOD na tinanggap ni Charlie ‘Atong’ Ang ang pormal na pagsasampa ng kaso laban sa kanya, bilang pagkakataon upang maipagtanggol ang sarili laban sa mga paratang at espekulasyon sa tamang legal na proseso.

Ayon kay Atty. Gabriel L. Villareal, abogado ni Ang, naninindigan ang kanyang kliyente sa kanyang pagiging inosente, at nagbabala hinggil sa testimonya ni Julie “Dondon” Patidongan na aniya’y puno ng butas, makasarili, at walang sapat na batayan.

Ipinahayag din ni Villareal ang kanyang pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima at paghanga sa kanilang pagpupursige sa paghahanap ng katotohanan at katarungan.

Gayunpaman, hinimok niya ang publiko na pag-isipang mabuti ang biglaang paglutang ni Patidongan at ang panahon ng kanyang paglabas. Ayon sa abogado, matagal nang bahagi ng organisasyon ni Ginoong Ang si Patidongan—mahigit 15 taon—at unti-unting nakaakyat sa mga sensitibong posisyon. “Isa siyang bihasang manipulator na kayang alisin ang sinumang sa tingin niya’y banta sa kanyang impluwensya at paglapit kay Ginoong Ang.”

“Dahil sa kanyang pwesto, ginamit niya ang mga koneksyon at resources ng organisasyon—nang hindi alam ng kanyang mga pinuno—upang palawakin ang kanyang sariling iligal na network, kabilang na ang sugal, kidnapping, pangingikil, at pananakot,” ayon pa kay Atty. Villareal.

Aniya, nang siya’y masangkot sa pagkawala ng isang kakompetensya sa sabong sa Maynila noong nakaraang taon, pilit ngayong ibinabaling ni Patidongan ang sisi sa kanyang mga dating superior upang takasan ang pananagutan.

“Masaklap na ang publiko ay nalilinlang ng isang lobo na nagkukubli sa anyo ng tupa. Ginagamit niya ang simpatiya ng mga biktima para ikubli ang kanyang sariling krimen,” ani Villareal.
“Ang kanyang kwento ay imbento. Dapat siyang mabunyag, at malapit na itong mangyari,” pahayag pa ng abogado.

(PAOLO SANTOS)

153

Related posts

Leave a Comment