TEVES ARESTADO SA TIMOR LESTE

KINUMPIRMA kahapon ng Philippine National Police (PNP) na inaresto na si former Negros Oriental 3rd District representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. sa Dili, Timor-Leste kung saan siya humihiling ng asylum.

Ito ay makarang takasan niya ang tangkang pag-aresto sa kanya matapos idawit sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong March 4, 2023.

Pinaghahandaan ngayon ng PNP at Department of Justice (DOJ) ang posibleng pagpapabalik kay Teves.

Ang kumpirmasyon ng PNP ay kasunod ng pag-post sa social media ni Axl Teves, anak ng dating kongresista kaugnay ng naganap na pag-aresto.

Magugunitang si Teves ang itinuturong mastermind sa pagpatay kay Degamo at siyam na iba pa sa loob mismo ng compound nito sa Pamplona, Negros Oriental.

Sa ulat, nakakulong na si Teves sa compound ng Ministry of the Interior ng Timor Leste.

Inihatag din ito ng abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio kung saan kasama ng dating kongresista ang kanyang Portuguese lawyer sa naturang bansa na si Joao Serra.

Giit ni Topacio, walang ipinakita na warrant o written order ang mga tauhan ng Timor Leste Immigration nang damputin ang kanyang kliyente.

Samantala, hinihintay ng pamahalaang Pilipinas ang pinal na aksyon ng Timor Leste kaugnay sa pagbalik ng dating kongresista.

Ayon sa inilabas na pahayag, matagal nang handa ang Pilipinas sa extradition ni Teves matapos itong unang aprubahan, ngunit agad binawi ng nasabing bansa.

Bagaman ikinatuwa ng pamahalaan ang mga bagong pahayag ng Timor Leste na nagsasabing hindi dapat manatili si Teves sa kanilang teritoryo, hinihintay pa rin ng Pilipinas ang pormal na dokumento ukol dito—kung siya ba ay ipade-deport bilang undocumented foreigner o ma-extradite alinsunod sa nakabinbing kahilingan.

No one is above the law – Degamo

Kaugnay nito, tinuran ng biyuda ng pinaslang na si Degamo na ang pagkakaaresto kay Teves ay isang paalala na walang sinoman ang nakatataas sa batas.

Ayon kay Mayor Janice Degamo, ipinapakita rin ng insidenteng ito ang kahalagahan ng internasyonal na kooperasyon sa paglaban sa krimen.

“This arrest is a significant step toward justice, not only for our family, but for the people of Negros Oriental and the entire nation who were shaken by the horrific footage of my husband and 9 others being mercilessly gunned down on March 4th, 2023,” aniya sa isang pahayag sa Facebook.

“For over two years, our call has been clear and unwavering, that those responsible for this heinous crime must be held accountable, no matter how far they run or how long they hide.”

Hinihintay na ngayon ng kampo ni Degamo ang pagsisimula ng mga legal na proseso upang mapanagot si Teves at ang kanyang mga kasamahan na iniuugnay sa umano’y “Teves Terrorist Group.”

(JESSE KABEL/JULIET PACOT)

87

Related posts

Leave a Comment