DPA Ni BERNARD TAGUINOD
MUKHANG lalong namamayagpag ang mga scammer mula nang i-veto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang batas na irehistro ang SIM Card dahil sa isang probisyon na isiningit daw ni Sen. Franklin Drilon sa Bicameral Conference committee.
Isang halimbawa rito ang text message sa akin ng texter na may numerong +639203202388 na nagsasabing “YOU HAVE BEEN APPROVED FOR A TEMPORARY WORK FROM HOME OPPORTUNITY WITH A DAILY SALARY OF 8680. CLICK TO CONTACT: https://bit.ly/3eH7BC. START WORKING.
Nagpadala rin ng text message ang numerong +6396649784 na nagsasabing “Hi, your job application has been approved. You can get 54550/day. Click interview: https://cutt.ly/JJymPO.
Unang-una, wala naman akong inaaplayang trabaho na pang-executive ang sahod kaya dedma na lamang pero sa dami ng mga taong walang trabaho ay meron at merong mga maeengganyong patulan ito.
Ang masama, kapag pinatulan mo ‘yan, kandidato ka ng kanilang bibiktimahin, hihingiin ang inyong personal information o kaya ay pinagde-deposit ka ng interview fees.
May mga tumatawag din na unregistered number ang nakarating sa atin, hindi na “hello” kapag sinagot natin ang tawag kundi “yes” at kapag ginawa mo ‘yun, yari ka na kasi naka-record na ang boses mo na gagamitin nila sa bangko para sa transaksyon na hindi mo nalalaman.
May mga nagpapanggap din na kaanak mo sa abroad at nagpapa-load dahil nasa gitna raw sila ng dagat kaya hindi makapag-load at kailangan na kailangan niyang makatawag dahil importante.
Late 90’s pa usong-uso na ang text scam at sangkatutak na ang nabibiktima pero tali ang kamay ng gobyerno dahil walang batas na nag-aatas sa telecom companies na irehistro ang mga prepaid SIM Card.
Nagkaroon sana ng pag-asa na maging batas ang panukalang ito pero vineto ni Duterte dahil hindi niya nagustuhan ang isang probisyon na isingit daw ni Drilon na pati ang mga account sa social media ay kailangang irehistro.
Kahit minsan ay hindi napag-usapan ang probisyong ito nang gawin ng Kamara at maging ng Senado ang nasabing panukala pero pagdating sa Bicam ay nagkaroon bigla ng ganitong probisyon.
Ayun, napurnada ang panukalang batas na ito na magagamit sana para makilala kung sino ang mga scammer na ito dahil sa ayaw at sa gusto nila ay kailangang irehistro ang kanilang prepaid sim.
Sayang ang trinabaho ng mga mambabatas sa mahabang panahon at ginastusan ng taum-bayan dahil lang sa isang probisyon na isiningit sa Bicam.
Maganda sanang panabla ito sa mga scammer at maging ‘yung mga kriminal at mga terorista na gumagamit ng prepaid sim card sa kanilang mga ilegal na gawain. Sayang!
159
