THAI BOXER PINATULOG NI LORETO SA 1ST ROUND

loreto12

(NI ARIEL BORLONGAN)

ISANG round lamang ang itinagal ni Thai rookie boxer Songkan Meechai kay dating International Boxing Organization (IBO) light flyweight champion Rey “Hitman” Loreto ng Pilipinas sa sagupaan nila noong Mayo 19 sa Kiatkikirin Fitness & Martial Art sa Bang Phli, Thailand.

Isang magandang tune-up na laban ito kay Loreto na matagal nang nakalista sa WBA minimumweight rankings kahit lumalaban sa light flyweight division.

Sa kanyang huling laban para sa world title bout noong Hulyo 15, 2017 sa City Hall Ground, Chonburi, Thailand, hindi siya nagkaroon ng pagkakataong patulugin si Thai WBA minimumweight titlist Tammanoon Niyomtrong na umiwas lamang sa kanyang malalakas na bigwas para magwagi sa 12-round unanimous decision.

Nakuha niya ang bakanteng IBO light flyweight title sa pagpapatulog sa 3rd round kay dating WBA at IBO minimumweight champion Nkosinathi Joyi ng South Africa na ginanap noong Pebrero 1, 2014 sa Monte Carlo, Monaco.

Muling pinatulog ni Loreto si Joyi sa 1st round ng kanyang una at tanging depensa ng IBO title sa kanilang rematch noong March 22, 2015 sa Madansane, South Africa na hindi niya nakukuha ang kanyang P2 milyong premyo hanggang ngayon.

 

362

Related posts

Leave a Comment