Tiangco pumiyok IMPEACHMENT NI VP SARA ‘NAGPABAGSAK’ SA ALYANSA

HINDI ang pagsuko ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kay dating pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang dahilan kung bakit nabigo ang Alyansa kundi ang pagpapa-impeach kay Vice President Sara Duterte.

Ito ang pagtaya ng campaign manager ng Alyansa na si Navotas Rep. Toby Tiangco kaya limang senatorial candidate lamang ang naipanalo nila at bigong makaporma sa Mindanao na balwarte ng mga Duterte.

“Kung hindi natin ginawa ‘yun (Impeachment) hindi ganito kasama (ang resulta ng halalan),” paliwanag ni Tiangco.

Ayon kay Tiangco, maaaring isipin ng mga ito na sumusunod lang sa batas ang gobyerno sa kaso ng dating pangulo na inaresto at agad na ibiniyahe sa The Hague, Netherlands noong Marso 11, 2025 para sa kasong crimes against humanity.

Gayunpaman, hindi umano matanggap ng mga taga-Mindanao na inimpeach ng Kamara ang Pangalawang Pangulo noong Pebrero 5, 2025 kaya hindi pinaporma sa nasabing rehiyon ang mga kandidato ni Marcos Jr.

“Kung wala yung impeachment, baka iba ang pananaw ng mga tao…ah sumusunod lang talaga sa batas. Yung impeachment iba ang tingin ng mga tao dun,” ayon pa kay Tiangco.

Dahil dito, nagpasya umano si Tiangco na hindi na mangampanya ang Alyansa sa Mindanao dahil masasayang lang ang kanilang pagod dahil ramdam ng mga ito ang epekto ng pagpapa-impeach kay Sara.

Base sa resulta ng katatapos na halalan, 5 ang nanalo sa Alyansa, 5 ang inendorso ng mga Duterte kabilang na sina Imee Marcos at Camille Villar at dalawa sa oposisyon sa katauhan nina Senator-elect Bam Aquino at Francis “Kiko” Pangilinan.

Isiniwalat din nito na pondo ang pangunahing dahilan kung bakit pumirma ang mga congressman sa impeachment case laban kay VP Sara dahil natakot umano ang mga ito na mawalan o hindi ma-release ang kanilang pondo.

Isa si Tiangco sa mga hindi pumirma sa impeachment case at inamin umano sa kanya ng ilang kasamahan na kaya lamang sila sumuporta ay upang hindi maipit ang kanilang pondo na kasama sa ‘conditional release”.

(BERNARD TAGUINOD)

58

Related posts

Leave a Comment