SIGURADONG matatanggap ng public school teachers ang tig-P1,000 sa pagdiriwang ng World Teachers’ Day bukas, October 5.
Ayon kay Quezon City Rep. Marvin Rillo, nasa P925 million ang inilaan para sa mahigit 900,000 public school teachers bilang World Teachers’ Day Incentive Benefit (WTDIB).
“We have an itemized sum of P925 million that is meant to pay for the WTDIB of our teachers this year. The amount is specified in the 2022 General Appropriations Act,” ani Rillo.
Ayon sa mambabatas, hindi mababalam ang pagrerelis sa nasabing pondo dahil sa special provision sa 2022 national budget na kailangang maibigay ang benepisyong ito sa mismong World Teachers Day taon-taon.
Ang nasabing araw ay itinakda ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) bilang pagkilala sa sakripisyo ng mga guro sa paghubog sa mga kabataan.
Bilang suporta, pinagtibay ang Republic Act (RA) 10743 o “An act declaring the fifth day of October of every year as the National Teachers’ Day” noong Enero 29, 2016 na isang special working holiday.
Noong 2019, naglagay ng Department of Education (DepEd) Special Provision No. 12 sa ilalim ng Republic Act No. 11260 (General Appropriations Act of Fiscal Year 2019) para mabigyan ng tig-P1,000 ang lahat ng public school teachers bilang benepisyo.
Mula noon ay taon-taon nang nakatatanggap ng P1,000 ang mga pampublikong guro tuwing World Teachers Day. (BERNARD TAGUINOD)
