SA mas madalas na paglabas sa telebisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, mas mahaba ang kanyang ginugugol na oras para sa mga patutsada. Bira dito, bira doon, bagay na nakasanayan ng mamamayan.
Subalit pagdating sa mga isyu kontra Tsina o sa mga Intsik na nasasangkot sa mga eskandalo at usapin ng West Philippine Sea, tikom ang Pangulo.
Kamakailan lamang ay pumutok ang isyu kaugnay ng insidente sa karagatang sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas. Mangyari kasi, itinaboy ang dalawang sasakyang dagat ng Pilipinas ng Chinese Coast Guard gamit ang kanilang water cannon.
Sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA), kinondena ang pagtataboy ng dalawang supply vessels na dapat sana’y lalayag patungo sa Ayungin Reef kung saan nakahimpil ang iba pang sundalong lulan ng BRP Sierra Madre.
Bagama’t naglabas ng pahayag ang Palasyo, nadismaya ang publiko nang hindi man lang nagawang personal na maglabas ng posisyon ang Pangulo – o banggitin man lang ang pinakahuling pambabalasubas ng bansang Tsino sa ating mismong teritoryo.
Sa pinakahuling ulat ng military sa sitwasyon sa pinag-aagawang teritoryo, buong yabang pang sinabing umatras daw ang mga Tsino.
Ang totoo, hindi kailanman umatras ang mga sasakyang dagat ng Tsina. Sila’y umaalis sa lugar kung saan sila huling nambarako at lumilipat lamang sa ibang bahagi ng ating teritoryo, bagay na batid naman ng ating gobyerno.
Kung aatras ang mga barko ng Tsina, lahatan – hindi paisa-isa tulad ng kanilang karaniwang taktikang mistulang layon lamang ay pahupain ang alimpuyo ng mga dismayadong Pilipino.
Gaano kadalas na bang binarako ng mga barkong Tsino ang mga sasakyang dagat ng ating gobyerno? Hindi na marahil mabilang kung ilan. Gayundin sa mga mangingisdang pumapalaot lamang para sa kanilang kakarampot na kabuhayan.
Hindi sapat ang tugon ng tagapagsalita ng Palasyo. Dangan naman kasi, ‘yun at ‘yun din ang script ng Malakanyang – isang tugong malawak, walang detalye at walang ano mang pwedeng ikagalit ng Tsina.
Sa mata ng publiko, walang timbang ang posisyon ng Palasyo. Giit ng mamamayan – gawa, hindi dada.
 153
 153
 

 
                             
                            