PANSAMANTALANG nakalaya ang 83 magsasaka na tinaguriang “Tinang 83”, isang land reform advocates group matapos makapaglagak ng kanilang piyansa.
Nanindigan naman si PNP Officer-in-Charge PLt. Gen. Vicente Danao na kumilos lamang nang naayon sa batas ang mga pulis nang arestuhin nila ang mahigit 90 indibidwal na nagsagawa umano ng panggugulo sa Hacienda Tinang.
Paliwanag ni Lt. Gen. Danao, ang mga inaresto ay isinailalim sa kustodiya dahil sa alegasyon ng Malicious Mischief, Direct Assault, Disobedience and Resistance to Persons in Authority, Obstruction of Justice, at Illegal Assembly.
Sinasabing binatay ito sa reklamo ng mga magsasakang residente ng Barangay Tinang, Concepcion, Tarlac na sinira ang kanilang mga pananim ng mga miyembro ng Kadamay, Anakpawis at iba pang mga nagtangkang pwersahang umokupa ng kanilang sakahan.
“Yung ginawa ng mga militanteng grupo na pagbungkal sa mga mais na nakatanim sa bukid ng may bukid na gusto nilang sakupin ay sadyang hindi makatarungan,” anang opisyal.
Binigyang diin ng Heneral na walang pinapanigan ang PNP pagdating sa “land disputes” at tutulong lang sa pagpapatupad ng mga lehitimong kautusan ng korte.
Balak naman ng mga magsasakang maghain ng kontra demanda laban sa mga nang-arestong pulis. (JESSE KABEL)
227 