Ni JOEL O. AMONGO
SA layuning tiyaking walang inutil at pasaway sa pinamumunuang ahensya, mas mahigpit na mekanismo ang inilatag ni Acting Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz sa mga opisyales sa iba’t ibang tanggapan ng kawanihan.
Ayon kay Ruiz, isinailalim na ng kanyang tanggapan ang pagsusuri ng 17 district collectors batay sa kanilang nagawa mula nang italaga sa pwesto ng nakaraang administrasyon.
Sa ngayon aniya, maganda pa naman ang ipinapamalas ng mga opisyal na pasok sa kategorya ng “hold-over positions,” kabilang ang 17 district collectors at mga tumatayong hepe sa iba’t ibang departamento sa punong tanggapan ng kawanihan.
Isa sa umano’y gagamiting batayan sa pagpapanatili ng mga district collectors sa kanilang pwesto ang kakayahang abutin ang takdang monthly collection target na aniya’y lubhang kailangan ng pamahalaan sa gitna ng kakapusan sa pananalaping pantustos sa mga programa at proyekto ng administrasyong Marcos Jr.
Para kay Ruiz, higit na mahalagang maisakatuparan ng BOC ang direktiba ng Pangulo – mas pinaigting na koleksyon ng buwis at taripang kalakip ng mga pumapasok at lumalabas
na kargamento sa hangaring matugunan ang pangangailan ng mga mamamayan.
Sa kanyang unang pulong-balitaan, nagbanta rin ang BOC chief laban sa mga tiwali. Aniya, hindi siya magdadalawang isip na kapunin ang mga tiwali, pasaway at walang silbi.
“I may be friendly, but I will be firm. I will be strict, but I will be fair… when doing your job, always ask yourselves — is this for the best of the Filipino people? Just do your job properly and
sincerely, wala tayo problema. I got your back.”
Kabilang din sa mga prayoridad ni Ruiz – batay sa tinanggap na marching orders mula mismo sa Pangulo ang zero tolerance para sa mga sindikato sa likod ng pagpupuslit ng droga, baril at agri-products sa bansa, mas masiglang koleksyon, syento-por-syentong digitalization ng mga transaksyon ng kawanihan at ang panunumbalik ng tiwala ng publiko sa ahensyang higit na kilala sa larangan ng katiwalian.
Bago pa man itinalaga sa kanyang pwesto, pinamunuan ni Ruiz ang BOC Enforcement and Security Service sa loob ng limang taon – mula 2017 hanggang sa italagang acting Customs Commissioner ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
nito lamang Hulyo 20. Bilang ESS director, pinangunahan niya ang kabi-kabilang operasyon kontra-smuggling.
Bukod sa BOC, higit na kilala si Ruiz na isang operatiba kontra droga mula sa hanay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung saan siya nagsilbing regional director.
“We will not waiver in our campaign for a modernized and credible Customs Administration that we can be proud of. We will continue our intensified and strengthened border security efforts, we will work towards hitting our target revenue and surpass it as well. We will implement more programs to improve the morale and motivate our personnel so that our workforce can deliver better service to the Filipino people,” ani Ruiz.
